HINIGPITAN ng Bureau of Corrections ang paggamit ng government quarters para sa mga tauhan nito kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong indibidwal kabilang ang isang inmate at ang anak ng dating corrections officer sa hinihinalang ilegal na droga sa San Ramon Prison and Penal Farm (ZPPF) sa Zamboanga.
Kasunod nito, inatasan ni Bucor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. si SPPF C/SSupt. Daisy Sevilla Castillote na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyaking walang gagamiting quarters ng gobyerno sa mga bawal na gawain.
Batay sa ulat na isinumite kay Catapang ni Castillote, isiniwalat na bago ang pag-aresto, isang intelligence report ang natanggap ng kanyang tanggapan mula sa confidential informant na ang hindi pinangalanang Minimum Security PDL ay magpapanggap na may bibilhin sa tindahan na pag-aari ng mag-asawang Ocampo na matatagpuan sa Family Shelter bilang government quarter.
Si Ocampo ay anak ni dating Corrections Officer Charles Ocampo na nahiwalay sa serbisyo mula noong Marso noong nakaraang taon. Sina Ocampo at Madjid ay walang direktiba na magkaroon ng bahay sa loob ng prison reservation na labag sa Housing Policy ng BuCor at nabigyan na sila ng final Notice to Vacate the premises simula Abril 15 ng taong ito, ani Castillote.
Nakasaad din sa ulat, bandang alas-8:45 ng umaga, tatlong Minimum Security PDL ang nakita ngunit dalawa lamang ang nagtungo sa tindahan pagkatapos ay isinailalim sila sa inspeksyon at habang si CSO1 Silverio Garcia, Chief of the Response Security and Escort Command ay nagsagawa ng paghahanap sa presensya ni Castillote, isang piraso ng brown tissue paper ang nahulog sa lupa mula sa PDL na naglalaman ng tatlong sachet ng shabu na nakuha kay Halil.
Sinabi ni Castillote sa interogasyon, itinuro ni Halil na binili niya ang nasabing hinihinalang ilegal na droga sa tindahan nina Ocampo at Madjid. Ipinag-utos ni Castillote ang agarang pagsasagawa ng Galugad kasama ang K9 Unit sa tindahan ni Ocampo, kung saan nakumpiska ang mga kontrabando at ipinaalam ito sa Philippine Drug Enforcement Authority at Philippine National Police Station 9.
Nakumpiska sa kanila ang apat na sachet ng hinihinalang shabu, 30 pirasong strip aluminum foil, anim na lighter, 3 improvised spatula at isang pack na transparent plastic. Ang lahat ng ebidensya ay itinurn-over sa PDEA para sa pagsusuri habang ang mga indibidwal na naaresto ay itinurn-over sa PNP para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
(Danny Bacolod)
