NAGTIPON ang daan-daang katao sa harap ng isang construction company sa Pasig City matapos kumalat ang balita na mababayaran na sila sa kanilang sebisyo bilang watchers at poll aide nitong katatapos na midterm elections.
Tinatayang hindi bababa sa isandaang Pasigeuno mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ang nagtungo sa tanggapan ng St. Gerrard Construction (SGC) company sa F. Manalo St., Barangay Bambang nitong Mayo 14. Ito ay matapos kumalat ang balita na babayaran na sila ni Sarah Discaya na tumakbong mayor ng Pasig.
Si Discaya ang may-ari ng St. Gerrard Construction company.
Ayon sa ilang residente, umaga pa lang ay dagsa na ang mga tao sa lugar at bandang tanghali naman nang makatanggap ng impormasyon ang lokal na pamahalaan ng Pasig na may gulo sa naturang lugar. Ito ang nagbunsod sa mga opisyal para rumesponde kung saan nadatnan nila ang mga tao na nagkukumpol sa labas ng gusali ng SGC habang sarado ang gate ng opisina.
May ilan sa mga taong sumugod sa SGC ang nagsabi na may nakatakdang araw para sa payout para sa bawat barangay subalit hindi umano ito nasunod, bagay na nagdulot ng kalituhan at pagdami ng tao.
Samantala, sinabi naman ng ilan na personal silang hinarap ni Discaya para pahupain ang tensyon at ipaliwanag ang sitwasyon. Pasado ala una ng hapon nang matapos ang tensyon nang dumating ang mga otoridad. May ilang residente ang nagtatanong kung isasama ba ni Discaya ang gastusin sa napakaraming tao sa isusumite nitong Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Comelec, 30 days matapos ang halalan.
Ito ay bahagi ng panuntunan ng poll body upang masiguro na pasok sa limit ang paggastos ng mga kandidato sa panahon ng kampanya, nanalo man sila o hindi sa idinaos na political exercise.
(Danny Bacolod)
