P4-B E-GATES PROJECT NG BI, SINO’NG MAY KICKBACK?

BISTADOR ni RUDY SIM

MATAPOS ang mainit na kaguluhan sa Bureau of Immigration noong May 2, makaraang manghimasok at makialam si BI Commissioner Joel Viado sa isinagawang meeting na may kaugnayan sa P4 bilyong E-Gates project ng ahensya, ay pilit umanong pinaaaprubahan ni Viado sa araw na iyon na pinaniniwalaang dahil may malakas na pressure mula sa DOJ?

Dahil sa naturang kaguluhan na sinigawan at dinuro umano ni Vayad-O este Viado, ang mga opisyales sa naturang meeting kabilang si Deputy Commissioner Daniel Laogan, ay hindi natapos ang meeting dahil sa mainit na pagtatalo na nauwi pa sa pag-walk out ng ilang opisyal.

Ang vice chairman ng BI Bids and Awards Committee na itatago natin sa pangalang si Atty. Gilberto Repizo, ay agad na nagsampa ng administrative case laban sa kanyang boss dahil sa inasal nito at agad na lumiham sa Palasyo upang ireklamo si Viado kay Pangulong BBM, na natanggap naman ng Office of the President noong May 6.

Tila nangangamoy ang korupsyon na naman na ito ng BI, dahil sa P4 bilyon ay nais umano ni Viado ang puwersahang pag-apruba para sa terms of reference upang madagdagan ang E-Gates sa pangunahing mga paliparan sa bansa.

Ang mainitang pagtatalo umano nina Viado at Repizo na nag umpisa sa paninigaw ni Viado ng “DO IT”, ay sinupalpal naman ni Repizo ng “NO SIR, I WILL NOT DO IT”, hanggang sa ito umano, ayon sa mga nakasaksi, ay humantong sa pag-walk out sa conference room ng opisyal, at nanahimik ang kaluluwa ni Viado nang ito ay matauhan.

Isa ang E-Gates project na ito sa mga nabanggit ni PBBM sa kanyang SONA noong 2024, para sa modernisasyon ng mabilisang proseso sa airport na hindi na daraan pa sa ilang tanggapan ng BI, na pinagmumulan ng korupsyon.

Iginiit naman umano ni Viado na ang kanyang pakikialam sa usapin ay para sa pagbabago kuno ng ahensya, kung nais natin ng pagbabago. Weh ‘di nga, Kume? Nais mo pala ng pagbabago pero bakit laganap pa rin ang katiwalian sa iyong pamunuan? Bakit hindi mo mapatigil ang ilegal na gatasan sa detention center sa Bicutan kung saan ay patuloy pa rin ang negosyo rito ng mga tiwaling opisyales kabilang ang “ICE ROOM” na nagsisilbing air conditioned room para sa bigating foreign inmates na nakakulong dito, na pinagbabayad ng halos P50K kada ulo bawat buwan.

Ano ang aasahan ng mga ordinaryong empleyado ng BI sa reklamong isinampa ni Repizo? May pag-asa pa bang mabago ang matagal nang bulok na sistema sa ahensyang ito o sadyang mauuwi lamang sa pulitika at korupsyon para mabasura ang bulok, na kahit aso ay hindi kayang kainin ang masangsang na amoy ng korupsyon? Bakit sa usapin ng deportation case ni Alice Guo na iginiit ng BI na fake Filipino, ay biglang nanahimik? Mayroon bang kumita rito?

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410

114

Related posts

Leave a Comment