KASO VS PHILHEALTH NILULUTO SA SENADO

MAY opsyon ang Senado na maghain ng sarili nilang kaso laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa katiwalian at hindi kasama sa kakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

“We are keeping our options open. Puwede kaming mag-initiate mismo ng pagpa-file ng kaso against sa mga tao na hindi naisama ng task force,” saad ni Lacson.

“Kasi wala namang magpe-prevent sa amin kung dudulog kami sa Ombudsman bilang isang body, bilang Senado, o bilang Kongreso kung sasama pa rin ‘yung House of Representatives, kasi sila mismo nagsagawa rin ng malawakang imbestigasyon,” dagdag ng senador.

Sa findings ng NBI, kasama sa pinakakasuhan sa Ombudsman si resigned PhilHealth chief Ricardo Morales, executive vice president at chief operating officer Arnel De Jesus at senior vice presidents Renato Limsiaco, Jr. at Israel Francis Pargas.

“Kung ang aming pananaw base sa aming imbestigasyon ay mas may dapat pang makasuhan, iba naman ‘yung pananaw ng DOJ dahil sila naman ang nag-imbestiga na inatasan ng Pangulo. Sila ‘yung mas may karapatan kung sino ang isasama,” paliwanag ng senador.

Nilinaw naman ni Lacson na hindi pa tapos ang task force sa pag-iimbestiga sa mga sinasabing iregularidad sa PhilHealth kaya’t hindi pa anya ligtas sina Health Secretary Francisco Duque III at dating PhilHealth senior vice president Rodolfo Del Rosario Jr.

PINAGBIBITIW

Samantala, hiniling ng bagong pangulo ng PhilHealth sa mga pangunahing opisyal ng ahensiya na magbitiw sa puwesto.

Ito ang unang desisyon ni Atty. Dante Gierran upang ‘tuldukan’ ang malaganap at ‘di matapus-tapos na katiwalian at korapsyon sa PhilHealth.

Si Gierran ay naging direktor ng National Bureau of Investigation (NBI) mula Hulyo 2016 hanggang magretiro nitong Pebrero ng taong kasalukuyan bago itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging pangulo at chief executive officer ng PhilHealth nitong Agosto 31.

Batay sa imbestigasyon ng Senado at Kamara de Representantes, P15 bilyon ang nadambong na pera ng PhilHealth sa panahon ng dating pinuno nitong si Ricardo Morales.

Mahigit naman P154 bilyon mula 2008 hanggang sa mga unang taon ni Duterte sa Malakanyang.

Ayon kay Gierran, obligado siyang hilingin sa mga pangunahing opisyal ng PhilHealth na magbitiw dahil hanggang Disyembre lang ang ibinigay ni Duterte na taning upang matigil ang korapsyon sa ahensiya.

Aniya, masyadong maiksi ang Setyembre hanggang Disyembre upang matapos ang problema sa PhilHealth.

‘WAG ISAPRIBADO

Tutol naman si Senate Committe on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na maisapribado ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sinabi ni Go na posibleng maging negosyo ang PhilHealth sakaling maisapribado na ito taliwas sa target ng gobyerno na serbisyo at non-profit ito.

Aniya, tulad ng sinabi ni Pangulong Duterte, bigyan muna ng pagkakataon ang bagong pamunuan ng PhilHealth na maglinis, mag-imbestiga, audit at panagutin ang mga sangkot sa mga anomalya sa ahensiya.

Iginiit ni Go na base sa panukala ni Senate President Tito Sotto, aamyendahan ang Universal Health Care Law kung saan ilalagay na chairman ang kalihim ng Department of Finance sa PhilHealth.

Tiniyak aniya ni Secretary Carlos Dominguez na kapag siya ang naging chairman ng board ng PhilHealth ay kakasuhan niya at ipakukulong ang mga sangkot sa anomalya.

Nilinaw naman ni Go na hindi nangangahulugan ng kawalan ng tiwala kay Secretary Francisco Duque III ang naturang hakbang pero masyado na itong abala sa COVID-19 pandemic kasama ang Inter-Agency Task Force o IATF. (DANG SAMSON-GARCIA/NELSON S. BADILLA/NOEL ABUEL)

98

Related posts

Leave a Comment