Trabaho, eskwela kinansela sa Mindanao LINDOL SUMALUBONG SA UNANG ARAW NG PASUKAN

(TOTO NABAJA/JESSE RUIZ)

NIYANIG ng malakas na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao nitong Lunes ng umaga, Hunyo 8, na nakaantala sa unang araw ng pasukan at nagbunsod sa pagsuspinde ng mga klase at trabaho sa ilang lugar.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang lindol dakong alas-7:37 ng umaga at ang episentro nito ay nasa karagatang humigit-kumulang 125 kilometro hilagang-silangan ng Sarangani.

Dahil sa pagyanig, nagmadaling lumikas palabas ng mga silid-aralan ang mga estudyante at guro habang agad na ipinatupad ng mga paaralan ang kani-kanilang emergency protocols.

Sa Koronadal City, sentrong panrehiyon ng SOCCSKSARGEN, naapektuhan ang ilang serbisyo kabilang ang internet, kuryente at suplay ng tubig.

Iniutos naman ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang pagsuspinde ng mga klase sa lahat ng antas, habang sinuspinde rin sa Kidapawan City ang mga klase at trabaho sa pamahalaan habang nagsasagawa ng inspeksyon ang mga awtoridad.

Inilikas din ang mga estudyante sa Cotabato City Central Pilot Elementary School at iba pang paaralan bilang pag-iingat.

Kasunod nito, nakapagtala rin ang Phivolcs ng malakas na aftershock dakong alas-8:55 ng umaga. Ang episentro nito ay naitala malapit sa Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental, at may lalim na 44 kilometro.

Naramdaman ang Intensity III sa General Santos City, Davao City, Zamboanga City at Surallah, South Cotabato. Intensity II naman sa Kiamba, Sarangani at Tboli, South Cotabato habang Intensity I ang naitala sa Mlang, Cotabato at Maitum, Sarangani.

Dahil dito, agad na iniutos ni Labor Secretary Francis Tolentino ang suspensyon ng trabaho sa lahat ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.

Sinabi ng DOLE na pansamantalang sinuspinde ang lahat ng face-to-face transactions at serbisyo hanggang makumpleto ang safety at structural assessment ng mga gusali.

Pinaalalahanan din ni Tolentino ang mga pribadong employer at manggagawa na maaari silang magpatupad ng suspensyon ng trabaho sa panahon ng kalamidad at iba pang disruptive events alinsunod sa Labor Advisory No. 15, Series of 2025.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na generally peaceful ang pagbubukas ng klase sa buong bansa sa kabila ng lindol sa Mindanao.

Ayon kay PNP Acting Chief PIO PCol. Allen Rae Co, mahigit 58,000 pulis ang idineploy upang tiyakin ang seguridad sa paligid ng mga paaralan. Katuwang nila ang mahigit 8,000 personnel mula sa iba pang yunit at higit 162,000 force multipliers.

PNP Personnel Naka-High Alert

Nakataas sa heightened alert ang lahat ng tauhan ng Philippine National Police sa buong Mindanao kasunod ng malakas na lindol.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakahanda ang mga pulis na tumulong sa evacuation efforts, pag-secure ng mga kritikal na imprastraktura at pagsuporta sa relief operations sa mga apektadong lugar.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Office of Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan.

Binigyang-diin ni Nartatez na pangunahing prayoridad ng pambansang pulisya ang kaligtasan at seguridad ng mga residenteng naapektuhan ng lindol.

Airport Sinuspinde Rin

Pansamantalang sinuspinde ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang operasyon ng General Santos Airport kasunod ng malakas na lindol at tsunami warning na inilabas para sa ilang bahagi ng Mindanao.

Nagpalabas ang CAAP ng Notice to Airmen (NOTAM) na epektibo mula alas-8:45 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Ayon sa ahensya, sumasailalim sa pagsusuri ang air navigation facilities, kagamitan at operational capabilities ng paliparan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at operasyon.

Pinayuhan naman ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa mga update hinggil sa kanilang mga flight.

(May dagdag na ulat si JOCELYN DOMENDEN)

62

Related posts

Leave a Comment