Velasco: Madrama, kapit-tuko at hindi tunay na lalaki SPEAKER SALAT SA PALABRA DE HONOR

INAKUSAHAN ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco si House Speaker Alan Peter Cayetano na salat sa palabra de honor, madrama, kapit-tuko sa puwesto at hindi tunay na lakaking kausap.

Sa kanyang pahayag sa pamamagitan ng Facebook noong Biyernes ng gabi, binasag ni Velasco ang kanyang pananahimik matapos siyang bakbakan ni Cayetano noong Miyekoles.

“Sa ilang beses na pag-uusap tungkol sa House speakership, sa harap mismo ng ating Pangulo, ay ilang beses ding tinalikuran ni Speaker Cayetano ang kasunduan.

At iyan po ang muling pinatunayan ni Speaker Cayetano sa isang napakahabang drama nung isang araw sa Mababang Kapulungan.

Sino po ba ang salat sa palabra de honor? Kayo na po ang humusga,” ani Velasco.

Itinuturing din ni Velasco na drama ang nangyari noong Miyerkoles ng hapon nang mag-offer si Cayetano ng resignation subalit ni-reject sa pamamagitan ng mosyon ni Anakalusugan party-list

Rep. Mike Defensor na sinuportahan ng 184 congressmen nang idaan ito sa nominal voting.

Ginawa ang nasabing drama upang makakapit pa nang husto si Cayetano at kanya umanong mga sidekick sa puwesto kasabay ng pagpapakalat ng mga paninira at akusasyon na wala aniyang katotohanan.

Kabilang aniya sa paninira umano sa kanya ng kampo ni Cayetano ang hindi ito aktibo sa Kongreso o tamad subalit pinabulaanan niya ito at sinabing “I have always worked quietly and consistently away from the camera”.

Inakusahan din umano ito na maglulunsad ng kudeta subalit wala aniya itong katotohanan dahil mayroon silang kasunduan na magpapalitan ng puwesto pagkatapos ng 15 buwan na natapos noong Setyembre 30.

“Coup plot? It’s a cheap shot. Uulitin ko ang minsang binitawan kong salita sa Pangulo at sa taumbayan: ako po ay isang tunay na lalaki na may palabra de honor,” ayon pa kay Velasco.

Naniniwala ang mambabatas na may kinalaman ang budget ng gobyerno sa susunod na taon kung bakit gustong manatili sa puwesto ni Cayetano at mga kasamahan nito sa Kamara.

“Hindi naman po lingid sa kaalaman ng ating mga kasamahan sa Kongreso kung paano ang naging proseso ng paghahanda ng budget noong nakaraang taon.

Kaya naman po maraming dismayado nitong mga nakaraang araw sa hindi patas na paglalagak ng mga proyekto sa lahat ng distrito,” saad pa ng mambabatas.

“Please I appeal to you: Finish the budget and resign on October 14,” panawagan ni Velasco kay Cayetano kasabay ng paghingi ng apology sa mamamayan dahil sa kaguluhang nangyayari sa Kongreso.

NONBINDING

Ayon naman kay Deputy Speaker Dan Fernandez, hindi binding sa mga congressman ang term sharing agreement nina Cayetano at Velasco dahil sila lamang dalawa ang nagkasundo.

“We respect the decision of the President to somehow try to negotiate the term-sharing agreement. But the other members of the House, we are not bound by that agreement,” ani Fernandez.

Sinabi ni Fernandez na bukod kina Cayetano at Velasco ay mayroon pang 300 congressmen na magdedesisyon kung sino ang nais nilang mamuno sa kanila sa Kamara.

Sa nakaraang 15 buwan aniya ay hindi nakipag-ugnayan si Velasco sa mga nakararaming mambabatas at umasa lamang ito sa term-sharing agreement na puwedeng ibasura ng mayorya sa Kongreso. (BERNARD TAGUINOD)

295

Related posts

Leave a Comment