ISINUSULONG ni Senador Raffy Tulfo na isailalim sa komprehensibong training at capacity building programs ang mga tauhan ng Office of the Sergeant at Arms ng Senado.
Nakasaad sa Senate Resolution 402 ni Tulfo na bumalangkas at magpatupad ng operations manual para sa mas epektibong seguridad sa Senado.
Binigyang-diin ni Tulfo na ang naganap na insidente at operational standoff sa pagitan ng National Bureau of Investigation at OSAA noong Mayo 13 ay naglantad ng mga operational, coordination, at procedural gaps sa internal security protocols, emergency response, perimeter control, at inter-agency coordination.
Idinagdag ng senador na ang mga ulat ng kalituhan sa insidente kabilang ang umano’y warning shots, lockdown procedures, at magkakaibang salaysay ng mga sangkot ay nagpapakita ng pangangailangan para sa malinaw at institutionalized na operational standards at protocols sa pagitan ng OSAA at law enforcement agencies.
Iginiit ni Tulfo ang pangangailangang magkaroon ng malinaw na operational framework na magtatakda ng protocols sa command responsibility, communication systems, use-of-force guidelines, emergency at evacuation procedures, coordination mechanisms, at standards of conduct ng OSAA personnel.
Mahalaga rin anya ang regular at specialized trainings sa crisis at crowd management, emergency response, de-escalation techniques, parliamentary security management, lawful enforcement coordination, at human rights-based security operations upang mapalakas ang propesyonalismo at kredibilidad ng OSAA.
(DANG SAMSON-GARCIA)
114 