IPINASARA ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang medical clinic na pagmamay-ari ng isang Tsino sa Barangay Baclaran ng naturang lungsod.
Ayon kay Parañaque City Business Permit and Licensing Office (BPLO) chief Atty. Melanie Malaya, kanyang ipinasara ang medical clinic na pinamamahalaan ng isang Tsinong doctor na matatagpuan sa 3985 Lt. Garcia St. panulukan ng Airport Road, Barangay Baclaran, Parañaque City dahil sa kawalan ng kaukulang business permit.s
Bago ito, pinuntahan kahapon ng mga tauhan ng pinagsanib na pwersa ng BPLO at City Health Office (CHO) ang medical clinic upang inspeksyunin at dito natuklasan na wala itong dokumento na magpapatunay na legal ang kanilang operasyon kaya iniutos ang closure order laban dito.
Napag-alaman pa ni Malaya na hindi mga Filipino ang mga nagtutungo para magpatingin sa naturang medical clinic kundi mga Chinese national din.
Sasampahan ang mga hindi pa pinangalanang Chinese na nagpapatakbo ng nasabing klinika ng kasong paglabag sa City ordinance No. 04-22 series of 2004 o ang tinatawag na Paranaque City Revenue Code of 2004. DAVE MEDINA
364 