ROBOT GAGAMITIN LABAN SA COVID-19

SUSUBUKANG gamitin sa Centralized Quarantine Facility ng Bulacan Medical Center (BMC) ang mga robot Roving Doctor (RoviDoc) na naimbento ng mga propesor ng information technology sa San Jose Del Monte Campus ng Bulacan State University (BulSU).

Ipinaliwanag ni Jayson Victoriano, direktor ng Institute for Innovation in Business and Emerging Technologies ng BulSU-San Jose Del Monte, ang nasabing RoviDoc ay tutugon upang matiyak ang kaligtasan din ng mga doktor at nurse na gumagamot sa mga may sakit na coronavirus disease o COVID-19.

Dinisenyo ito upang siyang direktang kumalinga at magbigay ng mga pangangailangan ng pasyenteng may COVID-19 na hindi na kailangang lapitan ng mga doktor o nurse.

Kaya nitong asikasuhin ang health care service ng bawat pasyente, magbigay ng suplay ng gamot sa takdang araw at tamang oras at mabantayan ang kondisyon ng isang pasyente kung gumagaling o hindi.

Pwede rin nitong makita ang tunay na lagay ng isang pasyente sa pamamagitan ng nakakabit na RoviDoc Apps.

SUSUBUKANG gamitin sa Centralized Quarantine Facility ng Bulacan Medical Center ang mga RoviDoc o Robot Roving Doctor

na naimbento ng mga propesor ng San Jose Del Monte Campus ng Bulacan State University. (BulSU-San Jose del Monte Campus photo)

 

Tatlong yunit ng RoviDoc ang inaprubahan ni Governor Daniel Fernando na idedestino sa kada palapag ng tatlong palapag na gagawing Central Quarantine Facility sa BMC.

Ayon kay Fernando, malaking tulong ito para sa proteksyon ng mga frontliner ng ospital laban sa Covid. Bawat yunit ay nagkakahalaga ng P150,000 at tutulong sa pagpopondo ang pamahalaang panlalawigan.

Base sa disenyong iprinisinta kay Gob. Fernando, nakatayo ang robot sa isang platform na may ‘caterpillar’ na gulong upang maging matatag at banayad ang pag-andar habang nakatuntong ito sa isang aluminum post kung saan mayroon itong utility tray na lalagyan ng gamot o anomang kailangang dalahin sa pasyente.

Kakabitan ito ng Tablet, na isang uri ng personal computer, upang doon iprograma ang mga detalye kung kailan iinom ng gamot o anomang pangangailangang medikal ang isang partikular na pasyente.

Sa ibabaw nito, nakakabit ang isang Thermal scanner at main camera na siyang regular na kukuha ng temperatura ng katawan ng pasyente habang ang main camera naman ang magsisilbing ‘mata’ ng mga doktor at nurse mula sa itatalagang control area nito, upang matiyak na tama ang ginagawa ng RoviDoc sa pasyente.

Mayroon itong servo arms upang makagalaw o makapag-adjust ang mga Thermal Scanner at main camera na depende sa posisyon ng katawan ng pasyente.

Nilagyan din ng Liquid tank ang RoviDoc dahil mayroon itong feature na uubrang makapag-nozzle spray habang umaandar papunta at paalis sa pasyente.

Target mabuo o ma-assemble ang mga RoviDoc units sa susunod na isa hanggang dalawang linggo.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Reynaldo S. Naguit, chancellor ng BulSU External Campuses, na ang pagkakabuo sa RoviDoc ay tugon sa panawagan ng Department of Science and Technology (DOST) na maglabas ng mga kapaki-pakinabang na research and development ang mga state universities and colleges (SUCs) upang makatulong sa pagsugpo sa COVID-19.

Ayon pa sa kanya, ang RoviDoc ay unang research output na resulta ng pagkakatatag ng Innovation in Business and Emerging Technologies o IIBET ng BulSU-San Jose Del Monte, upang paigtingin ang promosyon ng research and development.

Layunin nito na hindi lamang matapos sa pagkakaimbento ang mga nasasaliksik kundi naisasakatuparan at nagagamit.

Positibo naman ang naging tugon dito ni Dr. Dave Domingo, hepe ng BMC, dahil malaking tulong aniya ito sa paglalatag ng seguridad para sa mga doktor at nars na mabawasan ang kanilang pagka-expose sa nasabing sakit.

Target namang magkaroon ng testing sa pagsisimula ng operasyon ng Centralized Quarantine Facility ng BMC bago matapos ang Abril 2020. ELOISA S. SILVERI

630

Related posts

Leave a Comment