(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PARA kay dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo, dapat alisan ang Kongreso ng access sa pondo ng bayan dahil pinagmumulan ito ng korupsyon.
Dahil aniya sa malawak nitong access sa budget kaya nagkakaroon ng anomalya.
“Ang source of corruption is access of the members of Congress to money, dapat talaga tanggalin na ‘yan, executive lang dapat ‘yan, wala nang budget allocated for the members of Congress in whatever form, para wala nang problema,” aniya pa.
Matatandaang sa isang panayam ng media, Setyembre noong isang taon ay inakusahan ni Vice President Sara Duterte sina House Speaker Martin Romualdez at dating House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co ng pagkontrol sa national budget.
Bukod sa pagmamanipula umano ng mga ito sa pondo ay humingi rin ang ilang kongresista ng parte umano nila sa P5B budget para sa mga classroom noong 2023.
“Ang budget ng Pilipinas ay hawak lang ng dalawang tao. Hawak lang siya ni Cong. Zaldy Co at ni Cong. Martin Romualdez. ‘yan ang katotohanan.”
Kontrobersya
Kontrobersyal ang nilagdaang 2025 national budget na nagkakahalaga ng P6.3 trillion dahil sa reklamo ng iba’t ibang sektor.
Pinakahuling pumuna rito sina dating pangulong Duterte at Davao Rep. Isidro Ungab.
Ayon kay Duterte, kailangang i-recall ang pambansang pondo dahil kung hindi ay mananawagan siya sa sambayanang Pilipino na huwag magbayad ng buwis hangga’t hindi ito itinatama.
Biktima Ng Fake News
Posibleng nabiktima ng fake news si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ito naman ang pahayag ni Senador Risa Hontiveros na nagsabing hindi siya naniniwala sa ibinunyag ng dating pangulo na inaprubahan ang General Appropriations Act of 2025 nang may blank items.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na miyembro rin siya ng bicameral conference committee para sa budget subalit nang tinanggalan ng subsidiya ang PhilHealth at binawasan ang pondo para sa 4Ps ay hindi na siya lumagda sa committee report.
Bukod dito, bumoto rin sila ni Senate Minority leader Koko Pimentel ng no sa ratification ng bicam report dahil sa mga nakita nilang kwestyonable sa pagbalangkas ng budget partikular sa pondo para sa education sector.
Sa kabila ng hindi nila pagkatig sa bicam report ay hindi rin naniniwala si Hontiveros na ipapasa ang panukala nang may blank items. (May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
9