SA loob ng mahabang panahon, nakasama at nakilala ko nang lubos si Mauro Gia Samonte, isang premyadong direktor, manunulat at aktibista noong dekada sitenta.
Sa kanyang pagiging direktor sa pelikula, ako ay humanga. Sa aking pagkakatanda, lahat ng kanyang nilikha, swak sa takilya. Gayundin ang kanyang estilo sa mga komentong akda, sadyang nakamamangha.
Sa larangan ng ideolohiya, may mga pagkakataong salungat ang aming paniniwala, dangan naman kasi ang edad namin sadyang malayo talaga. Ako’y singkwenta, siya naman ay otsenta. Ganunpaman, may respeto kami sa isa’t isa.
Hindi ko ikinagulat nang sumambulat ang balita sa kanyang mag-isang protesta laban sa hindi makatwirang polisiya kaugnay sa party-list system ng bansa. Aniya, taliwas sa dakilang hangarin ng party-list system ang kalakaran sa naturang ahensyang pinamumugaran ng mga tiwaling ang tanging interes ay magkapera.
Ayon kay Ka Mauro, ang dapat sanay tinig ng mga sektor na dehado, nagmistulang ekslusibo para sa mga nais lang ng poder sa gobyerno.
Ang siste, may kalakaran sa Comelec kung saan ang akreditasyon ay may kalakip na nakakalulang presyo.
Kung wala kang hatag na P10 milyon, goodbye na ang representasyon. Nakakalungkot isiping naging daan lamang ang party-list system ng ilang mapagsamantalang ‘di kuntento sa yamang tinatamasa.
Ilan nga ba sa mga party-list representative ang tunay na naninindigan sa sektor na kanilang kinakatawan?
Sa hanay ng mga hayok sa pwesto, sukdulang pumusturang tinig ng sektor na hindi naman nila kinabibilangan. May mga sectoral representative na kumakatawan sa guwardiya, guro, media, obrero, kababaihan, maralita, artista, may kapansanan, kontra-komunista, galit sa droga, at iba pang sektor na malayo naman sa kanilang mga linya.
Tama si Ka Mauro. Dapat lang marahil ugain ang Comelec bago pa man ipahayag ng Pangulo ang mga itatalagang bagong komisyonadong pamalit sa tatlong nagretiro.
Ang nakakalungkot nga lang, mag-isa lang siya sa kanyang krusadang dapat sana’y pangunahan ng mga kabataan dahil kinabukasan nila ang nakapusta sa halalan.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
