TULUYAN nang nagbitiw si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co bilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng mga alegasyong sangkot siya sa malawakang katiwalian kaugnay ng flood control projects at umano’y mga “insertion” sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sa isang tatlong pahinang sulat na ipinadala kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, sinabi ni Co na ang kanyang pagbibitiw ay bunsod ng umano’y “real, direct, grave and imminent threat” sa kanyang pamilya at sa sarili, pati na rin ng “evident denial” ng kanyang karapatan sa due process.
Itinaon ni Co ang kanyang pagbibitiw sa ika-10 araw ng ultimatum na ibinigay ni Dy upang siya ay makauwi sa bansa at personal na sagutin ang mga alegasyon, matapos bawiin ng lider ng Kamara ang kanyang travel clearance.
Mariing itinanggi ni Co sa kanyang sulat ang lahat ng akusasyon, kabilang ang sinasabing bilyon-bilyong pisong insertions sa 2025 national budget para sa mga flood control projects.
Sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, lumutang ang pahayag ng tinaguriang Bulacan Group of Construction (BGC) boys na naghatid umano sila ng male-maletang pera sa bahay ni Co sa Valle Verde 6, Pasig City at sa isang condominium unit sa Taguig City. Ang perang iyon umano ay komisyon sa flood control projects na ibinaba sa First Engineering District ng Bulacan na tinatayang nagkakahalaga ng P35 bilyon habang siya ang chairman ng House Committee on Appropriations.
Bukod dito, naghain din si Navotas Rep. Toby Tiangco ng kaso laban kay Co sa House Committee on Ethics dahil sa umano’y budget insertions at sa umano’y pag-pressure nito kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na bigyan siya ng permit para sa fish importation.
Matatandaang pinapauwi ni Speaker Dy si Co upang harapin ang mga alegasyon, subalit sa halip ay nagbitiw na lamang ang mambabatas.
Dahil dito, isa sa mga nominees ng Ako Bicol party-list, na nakakuha ng dalawang puwesto sa Kamara noong nakaraang halalan, ang papalit sa kanya.
“This decision wasn’t an easy one, but I weighed it well for the betterment of my family and the people I continue to serve,” ani Co sa kanyang pahayag.
(BERNARD TAGUINOD)
222 