CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAPANOOD n’yo ba ang pang-aasar ni Cong. Kiko Barzaga kay Majority Floor Leader Sandro Marcos?
Pinag-usapan sa social media ang Facebook live ng batang kongresista na kilala rin bilang Cong. Meow na para sa marami ay uri ng pangto-troll. Hindi na raw debate ang ginawa nito. Pang-aalipusta na.
Tamang asal ba ‘yun ng isang mambabatas?
Ang Kongreso dapat ay tahanan ng talino at dangal. Hindi ito kanto na espasyo ng bastusan.
Kung kabastusan ang ginawa, aba hindi ata iyon akma sa mabuting asal na dapat ipamalas at gawin ng isang mambabatas. Kung walang modo, naku sayang ang barong.
Maaari namang magpahayag ng pagtutol nang may respeto. Ang tamang paraan para ipaglaban ang paninindigan ay hindi sa pagmumura, panlalait, o pagiging walang modo.
Kahit ang mga nasa minority, marunong magpahayag ng pagtutol nang may respeto.
Kung idadaan sa yabang at kabastusan ay hilaw ang makakamtang kasikatan.
Para sa marami, sinisira ni Cong Meow ang imahe ng institusyong dapat niyang pinangangalagaan. Ang walang ingat na pagsasalita ng isang mambabatas ay magpapahina ng tiwala ng publiko.
Sabi pa ng isang netizen, mabuti na lang, pinanatili ni Cong. Sandro ang kanyang dignidad at ipinakita ang pagiging maginoo at anak ng matinong pagpapalaki. Hindi siya bumaba sa antas ng asal-kanto.
May isa namang nagsabi na sina Pangulong BBM at First Lady Liza, tinitiis ang mga banat pero hindi maririnig na bumaba sila sa murahan.
Kaya matibay, kalmado, at may respeto si Sandro.
Kung hindi magbabago si Barzaga, baka ang tingin sa kanya ay hindi na congressman, kundi bilang pinakamalaking troll na nakaupo sa Kongreso.
Hindi rin mabubura ang taguring epal sa kanya ng iba.
Grabe na ang galit ng mga tao sa Kongreso dahil sa mga isyu ng kurakutan kaya huwag na sanang dumagdag pa ang kongresista at umakto ng nakahihiyang modo.
139 