DPA ni BERNARD TAGUINOD
NOON pa man ay hindi na ako sang-ayon sa ayuda ng gobyerno dahil ginagamit lang ito ng mga congressman para sa kanilang PR as in public relations sa mga tao, as in pampabango ng kanilang pangalan kapag bumabaho na.
Noong nakaraang midterm election campaign, hindi na nangampanya para maglatag ng kanilang plataporma ang mga congressional candidate lalo na ang mga incumbent, dahil sa ayuda.
Ang ginawa nila, iniipon nila ang 1,000 hanggang 1,500 recipient ng iba’t ibang ayuda program sa isang lugar at bago ang pamimigay ay magsasalita muna sila para siraan ang kalaban nila na walang maibigay na tulong pinansyal.
Ipinalalabas nila na kanila galing ang ayuda kahit galing ito sa pinagpaguran ng taxpayers. Kung baga ipinalalabas nila sa kanila mismo galing ang ayuda at dahil diyan, lamang na sila sa katunggali nila.
Ang mga tao naman, paniwalang-paniwala na galing kay Congressman ang pera kaya hindi na sila nag-iisip pagdating ng araw ng eleksyon at iboboto nila ang nagbigay ng ayuda, kaya pang-PR lang talaga ang programang ito.
Ang masama pa sa programang ito, kung sino ang mga kilalang supporter lang ni Congressman at mga kaalyado ng mayor ang laging nakakukuha ng ayuda habang ‘yung talagang nangangailangan ay walang natatanggap kahit singkong duling.
Nagiging dahilan tuloy ‘yan ng hidwaan ng mga magkakabarangay dahil ‘yung mga barangay captain na inuutusang mag-identify ng mabibigyan ng ayuda ay sa iilang pamilya lang pinaiikot ang biyayang ito.
Kunwari, kapag namigay na AKAP si Congressman, ‘yung tatay muna ng isang pamilya ang isasama sa listahan, at si nanay naman kapag AICS, at anak naman kapag TUPAD na ang ipamumudmod.
Open secret ang modus na ‘yan ng mga politiko noong nakaraang eleksyon na ikinagalit ng mamamayan kaya inalis ang AKAP at ang pinondohan na lamang ay ang AICS at TUPAD na may mas mababang pondo.
Pero ang dami pa ring congressmen ang gustong pumi-ar sa mga tao kaya ‘yung P27 billion na inaprubahan ng Malacañang para sa AICS ay dinagdagan sa Kamara ng P32 billion, habang ‘yung TUPAD na binigyan lamang ng P11 billion ay dinagdagan ng P14.8 billion.
Kahit ‘yung Medical Assistance to Indigent Patients Program o MAIPP ay ginagamit din ng mga congressman sa kanilang PR at kung hindi ka kilala sa kanila ay bibigyan ka ng barya pero kapag dikit kay Cong at sa kanilang mga tauhan ang hihingi ng tulong ay halos sagutin nila ang buong hospital bill ng pasyente.
Ginagawang timawa ng mga congressman ang mga tao. Gustong-gusto nilang magmakaawa sa kanila ang kanilang mga constituent at magkaroon ng utang na loob sa kanila gayung ang perang ibinibigay nila ay hindi galing sa kanilang bulsa. Kailan tayo matututo?!
187 