PUNA ni JOEL O. AMONGO
LALO pang nawawalan ng tiwala ang taumbayan sa takbo ng isinasagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ng Senado dahil imbes na ang iginigisa nila ay ang itinuturong may sala, ay ang kredibilidad ng testigo ang kanilang pinagtutuunan ng pansin.
Sabi tuloy ng ilan, paglilihis ang ginagawa ng Blue Ribbon Committee lalo na kapag sa isyu ng pagdawit ng pangalan ni dating Speaker Martin Romualdez sa maanomalyang flood control projects.
Nitong nakaraan, iprinisinta ni Senator Rodante Marcoleta na ipinagpaalam niya kay Blue Ribbon Committee chairman Sen. Panfilo Lacson, si Philippine Marine Corps retired Master Sgt. Orly Guteza bilang resource person.
Dumaan sa tamang proseso si Guteza sa Blue Ribbon Committee sa pamamagitan ng pagsumpa niya sa harapan ng mga senador at taumbayan na nakasubaybay sa nasabing pagdinig.
Pagkatapos niya (Guteza) manumpa ay sinimulan ang pagbasa niya ng kanyang affidavit at kasunod ng pagtatanong ng mga senador.
Ikinagulat ng mga senador na binanggit ni Guteza na nagde-deliver siya ng bulto-bultong pera sa bahay ni dating Speaker Martin Romualdez.
Kinabukasan, pagkatapos na mag-testify ni Guteza sa Senado na sinabi niyang naghahatid siya ng pera na tinawag niyang “basura” sa bahay ni Romualdez, at nang natanong siya kung sino nagnotaryo ng kanyang affidavit ay ipinakita niya na si Atty. Petchie Rose Espera, na itinanggi naman ng lawyer.
Kung itinanggi ng lawyer na siya ang nagnotaryo, sino ang gumamit ng kanyang pangalan? Hahanapin ng Blue Ribbon Committee ‘yun.
Ganoon paman marami nang lawyer ang nagsabi na balewala na ang notaryo dahil nanumpa na si Guteza sa Blue Ribbon Committee na magsasabi siya ng totoo sa harapan ng mga senador at taumbayan na nagsusubaybay sa pagdinig.
Imbes na ang bulto-bultong perang ikinanta ni Guteza na kanyang inihahatid sa bahay ni Tamba este mali, ni Martin Romualdez, ang pagtuunan n’yo ng pansin, ay siya ang inyong iginigisa ngayon. Paano pa makikipagtulungan sa inyo si Guteza?
Kasalanan ba ni Guteza na ang pinagnotaryuhan niya ay ginamit ang pangalan ni Atty. Espera?
Sige ito na lang, puntahan n’yo ang paligid ng QC Hall at DOLE-NLRC diyan sa Quezon Avenue, Quezon City kung lahat ng mga nagnonotaryo sa mga lugar na ‘yan ay mga abogado.
Bihira kayong makakikita na mismo ang nakalagay na pangalan ng abogado sa mga notaryuhan, na sila mismo ang pumipirma at nagnonotaryo.
Hinahapan n’yo lang ng isyu si Guteza para malihis ang isyu dahil ang kanyang itinuturo ay si Martin Romualdez.
Tanungin n’yo si Atty. Espera kung sino ang pinagamit niya ng kanyang pangalan para makapagnotaryo para magkaalaman na. Papaano kung may pinahintulutan si Atty. Espera na magnotaryo gamit ang kanyang pangalan?
Marami na ang nagsabing lawyer na maging peke man o hindi ang notaryo ng affidavit ni Master Sgt. Guteza ay walang silbi na ‘yun dahil nanumpa na siya sa Senado bago siya nagbigay ng kanyang pahayag.
Maging si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla ay nagsabi na peke man o hindi ang notaryo ng affidavit ni Guteza ay hindi maka-aapekto sa kanyang statement sa Senado.
Ano ba talaga ang gusto ng Blue Ribbon Committee, baguhin ni Guteza ang kanyang statement? ‘Wag niya nang ituro si Romualdez? Diretsahan na lang kasi nahahalata na kayo ng taumbayan.
Tapos ngayon sisisihin niyo si Sen. Marcoleta dahil siya ang dahilan ng pagkakapasok ni Guteza sa Senado? Katotohanan ba hanap n’yo o kabaluktutan?
Kung ganyan din lang ang patakaran ng imbestigasyon n’yo, itigil n’yo na ‘yan dahil lalo pang lumalaki ang pagdududa ng publiko sa inyo na may kinikilingan ang Blue Ribbon Committee.
Sobrang galit na ang taumbayan sa matinding korupsyon na nangyayari sa gobyerno, kaya nga may ikinakasa na namang malawakang protesta sa Bonifacio Day sa Nobyembre 30, 2025.
Ako ang nag-aalala sa mga nakaupo ngayon dahil ‘pag nagkataon ay matutulad tayo sa bansang Singapore at Nepal na ang pagbabalingan ng galit ng taumbayan ay ang kasalukuyang nagpapatakbo ng pamahalaan. ‘Wag naman sana dalhin lalong lulubog sa kahirapan ang ating bansa.
oOo
Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
148 