CORRUPT OFFICIALS ‘DI MAKALILIGTAS

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

KAHIT ano pa ang katatanggi ng mga nagnakaw sa kaban ng bayan ay hindi sila makaliligtas sa mga mata ng taumbayan at ng Ama na nasa langit.

Sa katunayan, ngayon pa lang ay marami ang nagsusubaybay kung saan napunta si Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Noon ay sinabi na nasa Amerika si Co at nagpapagamot sa isang ospital, subalit kalaunan ay sinabing nasa Spain kung saan ay hinahanap siya roon ng mga Pilipino.

Hindi na mapigilan ng mga Pilipino ang galit nila kay Co dahil ito ang nagkamal ng maraming pera sa kwestyonableng pagsingit ng pondo at maging sa mga kumpanya nito na nakakuha ng bilyun-bilyong pisong budget ng maanomalyang flood control projects.

Halos lahat na nagbigay ng testimonya na resource person sa pagdinig sa Kamara at Senado ay iisa ang kanilang itinuturo at sinasabing 25% ang kinukuha ni Co sa bawat proyekto.

Naniniwala ang mga Pilipino na dapat umuwi si Co sa bansa para humarap ang mga akusasyon laban sa kanya.

Habang hindi umuuwi si Co sa bansa ay mas pabor kina PBBM at Martin Romualdez dahil maaari sila nitong ituro na kanyang mga boss.

Posible rin naman na ‘pag itinuro ni Co si Romualdez ay maaaring sisihin ni Romualdez si PBBM na pumirma ng mga budget, lalo na ang pinaka-korap na 2025 national budget.

Matagal nang binabatikos ang 2025 national budget pero itinuloy pa ni PBBM ang pagpirma rito.

Ngayon gusto niya na ang imbestigahan lang ay ang mga kongresista, senador, kontraktor at DPWH engineers?

Hindi makalilimutan ng mga Pilipino na ipinagmalaki ni PBBM sa kanyang State of the National Address (SONA) noong 2024, na may 5,500 flood control projects ang kanyang administrasyon na pinondohan ng bilyun-bilyong piso.

Makalipas ng isang taon, noong 2025 SONA ni PBBM ay sinabi niyang “Mahiya naman kayo” sa mga nasa likod ng maanomalyang flood control projects.

Tuloy inaakusahan siyang (PBBM) naghuhugas-kamay sa isyu ng flood control projects.

Kung sinabi niya naman na wala siyang alam sa nangyayaring katiwalian sa flood control projects, ibig sabihin napaikot siya ni Co at ng iba pang mambabatas na nagsingit ng pondo para sa flood control projects?

Kung ganun, tama ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “weak president si PBBM”, makalipas ang tatlong taon ay saka lang niya nalaman na may nangyayaring katiwalian sa flood control projects.

Pero napaka-imposibleng hindi niya (PBBM) alam na may nangyayaring problema sa flood control projects.

Ang tanong pa ngayon, kung sakaling malapit sa kanya ang mapatutunayang kasabwat sa katiwalian sa flood control projects, ay kaya niya bang parusahan?

Maraming dismayado sa nangyayaring korupsyon ngayon sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr., maging ang isinasagawang hearing sa Senado at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay pinagdududahan ng publiko na mananagot ang mga totoong nagkasala.

Tila ang maparurusahan lang ay ang mga engineer ng DPWH at mga contractor na makukulong pero ang mga nagbigay ng pondo sa kanila ay makaliligtas na naman.

Nakikita ng publiko na posibleng maulit ang nangyaring katiwalian sa PDAF, na si Janet Napoles lang ang tuluyang nakulong pero ang mga mambabatas na kasabwat ay naabsuwelto sa kaso.

Sa panahon ni Napoles, milyon-milyong piso lang ang pinag-uusapan ngayon at bilyon hanggang trilyong piso na.

Dahil nakalulusot ang mga opisyal ng gobyerno, ayan inulit naman nila.

Ganunpaman hindi kayo makaliligtas sa mata ng Amang nasa langit at kahit saan kayo magpunta ay babantayan din kayo ng mga Pilipino at maaaring hindi na kayo mahalal pa sa kahit ano pang posisyon sa gobyerno.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

140

Related posts

Leave a Comment