Lahat ng anggulo hihimayin BIGONG AMBUSH SA INFANTA MAYOR BINUBUSISI NG PNP

PINAKILOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos ang lahat ng kapulisan para himayin ang lahat ng anggulong maaaring may kinalaman sa bigong pananambang kay Infanta Mayor Filipina Grace America.

Ito ay dahil na rin sa malala umanong problema ng quarrying sa nasabing lugar.

Sinabi pa ni Carlos na hindi dapat ipagkibit-balikat ang kaso at tratuhin bilang isang election related violence dahil sa nalalapit na 2022 National and Local elections.

Samantala, sa panayam kay Mayor America, sinabi nito na may bahid ng pulitika ang pananambang sa kanya. Ito ay sa kabila na hindi pa tapos ang ginagawang imbestigasyon ng PNP.

Ayon pa sa alkalde na isang kilalang malapit na kaalyado ni Quezon Province Governor Danilo Suarez, ang utak sa likod ng pamamaril sa kanya ay gawa umano ng grupong kumakalaban kay Suarez. Gayunman, wala pang nakuhang ebidensya ang pulisya na diretsong pumupukol sa iringan sa pulitika sa lalawigan.

Pinag-iingat naman ng PNP Chief ang kanyang mga tauhan mula sa mga kaduda-dudang taong magtatangkang ilihis ang imbestigasyon para lang sa pansariling agenda lalo na’t nalalapit na ang eleksyon.

Matatandaan noong 2019, pinaslang ang dating driver ng alkalde na si Michael Cuento at tatlo pang indibidwal nang ang mga ito ay nakiramay.

Batay sa kuwento, si Michael umano ang siyang target ng pamamaril dahil magkabilang beses itong pinaputukan nang malapitan.

Sa panayam noon kay Mayor America, pinabulaan nito ang anggulo ng pulitika kahit na nangyari ang insidente ng pamamaril noong 2019 Midterm Election. Ayon sa kanya, ang motibo sa pagpaslang sa dati nitong driver ay dahil sa quarrying sa lugar kung saan ang biktima ay isang quarry permit holder.

Kanya ring nilantad na may nauna nang pagbabanta sa buhay ni Cuento noong 2016 National Election subalit nabigo ang naunang ambush attack. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

309

Related posts

Leave a Comment