MATAPOS kumanta sa war on drugs si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma, may posibilidad na kakanta na rin umano ang kanyang upper class sa Philippine National Police Academy (PNPA) na si ret. PCol. Edilberto Leonardo.
Sa isang panayam, isiniwalat ni House committee on human rights chair Rep. Bienvenido Abante Jr., na humingi si Leonardo ng audience sa mga chair ng Quad Committee at nagbigay ito ng pahiwatig na magsasalita na ito.
“We had an initial talk… He asked that we talk to him. Initially speaking, mayroon na siyang tinatawag na intensyon na, okay, sasabihin na niya ‘yung iba in detail,” ayon kay Abante na isa sa apat na chair ng quadcom.
Si Leonardo ang inirekomenda ni Garma kay dating pangulong Rodrigo Duterte nang magpahanap umano ang pangulo ng isang opisyal na may kapabilidad na ipatupad ang war on drugs gamit ang “Davao Model” kung saan binabayaran ang mga pulis na makapapatay ng drug suspect.
Ito rin umano ang direktang nakikipag-usap kay noo’y Special Assistant to the President (SAP) at ngayo’y Senador Bong Go para sa reward system, matapos maestablisa ng dalawa ang kanilang komunikasyon.
Subalit ayon kay Abante, wala pang kasiguraduhan kung kakanta na si Leonardo na ngayon ay nagbitiw na bilang Commissioner ng National Police Commission (Napolcom) at kasalukuyang nakakulong sa Batasan Pambansa Complex matapos ma-cite in contempt.
Samantala, sinabi naman ng lead chairman ng Quadcom na si Rep. Robert Ace Barbers na ilalabas na ng mga ito ang initial committee report upang masimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang proseso sa pagsasampa ng kaso sa mga indibidwal na sangkot sa war on drugs.
Kasama umano sa committee report ang assassination kay dating PCSO board secretary at ret. PGen. Wesley Barayuga kung saan itinuro ni Lt.Col. Santie Mendoza sina Leonardo at Garma na siyang nag-utos sa kanya na maghanap ng assassin para patayin ang nasabing opisyal. (BERNARD TAGUINOD)
164