NAGPASAKLOLO na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa local government units (LGUs) sa kanilang kampanya laban sa illegal POGOs, na tinawag nitong “scam farms.”
Hindi rin umano maaaring maghugas-kamay at ikatwiran ng mga alkalde na hindi nila alam ang operasyon ng POGO sa kanilang lugar.
“No self-respecting local chief executive can tell himself or herself that they didn’t know they were doing this or that. You cannot give me the argument that ‘I canceled their permit, I didn’t renew their permit’. We would like to call on all local chief executives, please help us in the fight against scam farms,” ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio sa isang panayam.
Tinuran ni Casio na kailangan nang tawagan ng pansin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local chief executives kung saan matatagpuan ang scam farms, maging ang mga ito man ay ilegal o nagtatago sa likod ng legalidad.
“You really can’t deny their existence. They are all sticking like sore thumbs,” ayon kay Casio.
Sa ulat, tinatayang may 250 Philippine Offshore Gaming Operators ang nago-operate nang walang lisensiya at maaaring sangkot sa iba’t ibang krimen, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Pinapayagan ng gobyerno ang operasyon ng POGOs sa bansa subalit kamakailan lamang ay may panawagan na gawing legal ang mga iligal dahil sa kanilang pagkakaugnay sa aktibidad gaya ng human trafficking, swindling operations, at iba pang karumal-dumal na krimen.
Samantala, sa ulat, nanindigan si Senador Sherwin Gatchalian na total ban na ang kailangan para tuluyang matigil ang problema sa POGO sa bansa.
Sinabi ng senador na sang-ayon na rin ang iba pang senador sa hakbang na ito.
Ayon kay Gatchalian, plano na nilang gumawa ng batas para sa pagpapatupad ng total ban sa POGO.
Kasabay nito ay nananawagan din ang senador sa Pangulo para sa mabilis na implementasyon ng total ban sa pamamagitan ng executive order.
(CHRISTIAN DALE)
