LUCENA CITY – Arestado ang live-in partners sa isinagawang sa buy-bust operation at nakumpiskahan ng tinatayang P650,000 halaga ng umano’y shabu sa Purok Baybayin 1, Barangay Ibabang Dupay sa lungsod noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga natimbog na sina alyas “Vida”, 39, residente ng Purok 5, Barangay Dalahican, at “Aaron”, 38, residente ng Barangay Dap-Dap, Tayabas City.
Ayon sa ulat ng PDEU-Quezon, bandang alas-8:30 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba at nakabili sa mga suspek ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Sa isinagawang preventive search, nakumpiska mula sa mga suspek ang apat pang transparent plastic sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu na tinatayang 32 gramo at may street value na P652,800.
Dinala ang dalawa sa custodial facility ng Lucena City Police Station at sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (NILOU DEL CARMEN)
