NANAWAGAN ng pananagutan ang mga opisyal ng lungsod at mga member consumer-owners (MCOs) sa pamunuan ng South Cotabato II Electric Cooperative, Inc. (SOCOTECO II) sa gitna ng mga alegasyon ng iregularidad sa planong venture agreement nito sa Ignite Power, isang kumpanyang iniuugnay sa bilyonaryong si Enrique Razon.
Ayon kay General Santos City Councilor Franklin Gacal, Jr. nitong Miyerkoles, Abril 22, dapat magbitiw ang mga miyembro ng Board of Directors ng SOCOTECO II kung mapatutunayang nilabag nila ang mga legal na proseso sa pag-apruba ng kasunduan.
Sa regular na sesyon noong Martes ng Sangguniang Panlungsod, inilahad naman ni Atty. Virgilio Alconera ang seryosong mga alegasyon laban sa mga resolusyon ng board, na kanyang inilarawan bilang “fruit of the poisonous tree.”
Ayon sa kanya, ang pag-apruba ng naturang joint venture agreement ay naimpluwensiyahan ng pressure na mula mismo sa National Electrification Administration (NEA).
Itinuro rin ni Alconera ang posibleng conflict of interest na kinasasangkutan ni NEA Administrator Antonio Mariano Almeda.
Sa isang panayam, sinabi ni Alconera na may conflict of interest sa panig ng pinuno ng NEA, dahil ang kanyang kapatid ang ay isa ring mataas na opisyal sa ibang kumpanyang pag-aari at kontrolado ni Razon, na siya ring may-ari ng Ignite Power.
Dagdag pa niya, may isang board director umano ang umamin sa isang pampublikong forum na inorganisa ng Diocese of Marbel na nakaranas ng presyur mula sa NEA ang Board bago nila aprubahan ang resolusyon.
“May isang direktor na hayagang umamin sa publiko na bago nila inaprubahan ang mga resolusyon, ang Board ay nakaranas ng pressure mula sa NEA. Iyon ang pinagmulan ng nakalalasong puno, na nagbunga nitong resolusyon,” dagdag ni Alconera sa isang panayam.
Sinabi rin ni Alconera na plano nilang magsampa ng kaso upang pigilan ang SOCOTECO II sa pagpapatupad ng joint venture agreement sa Ignite.
“Kung ang tanging makakapigil sa kanila ay aksyon ng korte, balak naming magsampa ng kaso para sa deklarasyon ng kawalang-bisa ng mga resolusyong ito at humiling ng injunction kasama ang TRO (Temporary Restraining Order).”
(JOEL O. AMONGO)
74 