IPINAG-UTOS kahapon ng Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Immigration (BI) na maglabas ng look-out bulletin laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa.
Ito’y upang tiyakin na hindi sila makagagalaw ng anomang labag sa panuntunan ng batas matapos ang pagsasampa rito ng mga kasong kriminal sa korte.
Natanggap ni BI Commissioner Norman Tansingco ang nasabing kautusan noong June 21 upang masiguro na hindi rin tatakas palabas ng bansa ang nasuspindeng alkalde kasama ang isang Guo Hua Ping at 17 iba pa.
Sa nasabing kautusan, inalerto ang lahat ng immigration officers na siyasating mabuti at i-double check kung may nakabinbing warrant of arrest laban sa lady mayor.
Nakasaad din na agad ibigay sa DOJ ang anomang impormasyon sa planong pagtakas ng grupo ni Mayor Guo.
May tagubilin din sa ahensya na maghain ng hold departure order (HDO) laban sa grupo ni Mayor Guo.
Sa pahayag naman ni Tansingco, naka-encode na umano sa database ng bureau ang ILBO upang ma-detect ang tangkang pagtakas ng mga nasabing personalidad.
Kabilang sa minamatyagan ang isang Zhang Jie, 30-anyos na nagtangkang lumipad palabas ng bansa sa pamamagitan ng flight mula sa Davao International Airport papuntang Jinjiang, China.
Si Zhang Jie, ay manager ng POGO sa Porac na naharang sa Davao. (JULIET PACOT)
