LOTTO, KENO WINNERS PINAKALMA NG PCSO

pcso12

(NI KEVIN COLLANTES)

WALA umanong dapat na ikabahala ang mga benepisyaryo ng Individual Medical Assistance Program (IMAP) services ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) gayundin ang mga taong may hawak na lotto at KENO winning tickets, kahit pa sinuspinde na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng kanilang gaming activities.

Sa pahayag ng PCSO, tiniyak ni Vice Chairperson at General Manager Royina Garma, na hanggat wala silang natatanggap na instruksiyon na ipatigil, ay tuluy-tuloy ang pagkakaloob nila ng IMAP services sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City, at mananatiling available ang lahat ng kanilang branch offices.

Wala rin umanong dapat na ikabahala ang mga may hawak ng winning lotto at KENO tickets, dahil maaari pa rin nilang makuha ang kanilang napanalunang premyo sa PCSO head office, sa Conservatory Building, Shaw Boulevard, Mandaluyong City, na bukas mula 8:15 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon, mula Lunes, hanggang Biyernes.

“May we inform the public that our Individual Medical Assistance Program (IMAP) services at the Lung Center of the Philippines in Quezon City and all PCSO Branch Offices nationwide will still be available today onwards, unless otherwise instructed,” bahagi ng pahayag ng PCSO.

“For those who are holding winning lotto and KENO tickets, prizes can still be claimed at the PCSO Head Office.” ayon pa sa PCSO.

Matatandaang nitong Sabado, Hulyo 27, ay ipinasuspinde ng Pangulo ang lahat ng gaming activities ng PCSO dahil sa alegasyon ng katiwalian.

Tiniyak naman ng PCSO, na mananatili silang sumusunod sa direktiba ng Pangulo at suportado nila ang pagsusumikap nitong masugpo ang korapsiyon at mga illegal gambling activities.

Awtomatiko na rin umano nilang dinis-able ang lahat ng lotto at KENO terminals sa Main Data Center ng kanilang system providers bilang pagsunod sa kautusan.

Sa kabila nito, umaasa rin naman ang PCSO na pansamantala lamang ang suspensiyon at magbabago pa ang isip ng Pangulo dahil maaari itong magresulta sa pagkawala ng trabaho ng libu-libo nilang empleyado.

 

144

Related posts

Leave a Comment