PAGTATAKIP NG BI SA KASO NI ALICE GUO BUTATA SA KORTE

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA sampal kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang inilabas na desisyon ni Manila RTC Branch 34 Judge Liwliwa Hidalgo-Bucu na kinatigan ng korte ang quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General, hindi lamang sa legalidad ng pagiging opisyal ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kundi sa kontrobersiyal na katauhan nito kung siya ay tunay na Pilipino.

Noong October 4 ng nakaraang taon, nauna nang nagsagawa ng pagdinig ang BI-Board of Special Inquiry at iniharap sa media ang kapatid ni Alice na si Shiela Guo o Zhang Mier, at kasunod nito ay iniharap din si Alice Guo noong November 15. Sa naturang pagdinig ay iginiit ng BI na mayroon silang matibay na ebidensya na magdidiin sa magkapatid na Guo base na sa resulta ng comparative fingerprint analysis, na dinaya nila ang kanilang Filipino citizenship.

Sa June 27 na desisyon ng korte, sinabing tanging ang natural born Filipino sa ilalim ng Philippine Constitution, ang maaaring tumakbo sa public office at napatunayang hindi Pilipino si Alice Guo o Guo Hua Ping, na napatunayang Chinese citizen mula sa kanyang mga magulang na sina Guo Jian Zhong at Lin Wenyi.

Iginiit din ng korte na matibay ang hawak na mga ebidensya ng gobyerno kung saan ay nakita ng mga expert mula sa NBI, na magkapareho ang fingerprint ni Alice mula sa dokumento ng isang Guo Hua Ping na nauna nang isiniwalat ng BI-BSI, at maging ang mga magulang nito ay holder ng Chinese passport.

Mula nang maibalik sa bansa si Guo matapos na ito ay makatakas sa bansa sa tulong ng mga koneksyon nito sa BI, na hanggang sa ngayon ay wala pa din napaparusahan kung sino ang nagpatakas, at dahil sa non-bailable na kasong qualified human trafficking at money laundering, ay sampung buwan nang nakadetine si Guo sa BJMP facility habang dinidinig pa ang ibang mga kaso nito.

Kinatigan ng korte ang mga dokumentong inihain ng BI-BSI sa kanilang rekomendasyon na si Alice Guo ay dumating sa bansa noong July 12, 1999 mula Fujian, China noong siya ay siyam na taon pa lamang at nabigyan ng investors visa mula sa kanyang mga magulang na nabigyan ng special investors resident visa.

January pa lamang ay naibaba na nang BI-BSI ang desisyon na nagpapatunay na hindi Pilipino si Alice Guo at ito ay ginawan ng resolusyon pero bakit kaya pilit itong itinatago ni BI Commissioner Joel Viado? Sir, mayroon ba kayong pinagtatakpan o mayroong kumita? Bakit hindi ninyo ipinahayag sa publiko na kayo ang naunang naglabas ng order na si Guo ay fake Filipino?

Sa pilit na pagtatakip ni Department of Justice Secretary Boying Remulla sa kanyang bata na si Viado, ay nagmumukhang kahiya-hiya ang ahensya at sinasamantala ninyo at inaabuso ang ibinigay na tiwala sa inyo nina Pangulong Bongbong Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos.

Kailangan nang makialam at kumilos ang Malacañang upang patunayan na ang Bagong Pilipinas ay hindi kukunsintihin ang tiwaling public officials na nagpapayaman gamit ang kanilang kapangyarihan.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

279

Related posts

Leave a Comment