NELSON S. BADILLA
INAASAHANG kikilos si Solicitor General Jose Calida upang matanggal si Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen upang matiyak na tuluyang makakamit ang “integridad” sa Supreme Court (SC).
Ang aksiyon ni Calida ay ibabatay sa kahilingan ni Atty. Larry Gadon na maghain ng petisyong “quowarranto” ang Office of the Solicitor General (OSG) laban kay Leonen.
Dahil pambihira at mapagpasya ang aksyon ni Calida noong 2018 gamit ang quo warranto ay natanggal si Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado ng SC noong Mayo 2018.
Idiniin ni Calida sa labing-apat na mga mahistrado na si Sereno ay dapat tanggalin sa pagiging punong mahistrado dahil sa kawalan nito ng “integridad” makaraang hindi makapaghain ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa anim na ulit, o anim na taon, habang bahagi ng University of the Philippines – College of Law bilang “law professor.”
Tinumbok ni Calida na ang hindi paghahain ng SALN ay tahasang paglabag sa SALN Law, o Republic Act 6713.
Lahat ng opisyal at kawani ng mga ahensiya ng pamahalaan ay tungkulin at obligadong kilalanin at ipatupad ang R.A. 6713.
Kasama ang mga nagtuturo sa UP – College of Law, sapagkat ang institusyong ito ay pag-aari, pinangangasiwaan at pinopondohan ng pamahalaan.
Iginiit din noon ni Calida na ang pagkakaroon ng integridad ay “rekisito” na itinakda at pinatiyak ng Konstitusyong 1987, partikular ang Artikulo VIII at Seksyon 7, sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Sa 14 na mga mahistrado, walo ang pumanig kay Calida.
Si Leonen at lima pang mahistrado ay tumutol sa pananaw ng mayorya.
Maituturing nang bahagi ng jurisprudence ng bansa ang nasabing desisyon ng korte.
Itinuturing na rin itong “precedent” na kinakailangang sundan at gamiting batayan ng mga susunod na pasya ng mataas na korte, maliban na lamang kung mayroong higit na matibay na mga batayan at argumentong magpapatumba sa nasabing desisyon ng SC.
Dahil sa pangyayari, napatunayang maaaring matanggal ang sinomang miyembro ng SC, sa pamamagitan ng quo warranto, maliban sa impeachment.
Pinaniniwalaang maghahain si Calida ng quo warranto sa Korte Suprema laban kay AJ Leonen dahil lumilitaw na ang labinglimang taong ulit na walang SALN si Leonen habang nagtatrabaho siya sa iba’t ibang kapasidad tulad ng pagiging law propesor, vice-president for legal affairs at dekano ng College of Law ay masasabing matibay, malakas at supisiyenteng katibayan laban sa kanya.
Si Sereno ay natanggal sa SC dahil sa anim na beses na walang SALN habang nagtatrabaho sa UP.
Batay sa rekord, si Leonen ay naging parte ng UP – College of Law noong 1989 hanggang 2010.
Umalis siya sa UP noong Hulyo 2010 dahil itinalaga siya ng noo’y Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III bilang “chief negotiator” ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nang matapos ang usapan ng dalawang kampo, iwinasiwas ni Aquino na makakamit na ang kapayapaan sa Mindanao.
Matapos ito, itinalaga ni Aquino si Leonen sa Korte Suprema noong Nobyembre 21, 2012.
Nabatid ni Gadon mula sa UP at Office of the Ombudsman na si Leonen ay walang isnumiteng SALN mula 1989 hanggang 2003 at mula 2008 hanggang 2009 habang parte siya ng UP.
Sa kaniyang liham kay Calida, hiniling ni Gadon na gamitin ang quo warranto upang matanggal si Leonen sa SC dahil ang nasabing petisyon naman ang naging instrumento para matanggal si Sereno bilang punong mahistrado ng SC noong 2018.
Ang ginamit na batayan ng mayorya ng mga mahistrado sa kanilang pagpapatalsik kay Sereno noong Mayo 2018 ay ang Artikulo VIII at Seksyon 7 ng Konstitusyon na patungkol sa “integridad” bilang rekesito sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Pinaniniwalaang mas mabigat ang kaso ni Leonen dahil labinglimang taon, o labinglimang ulit siyang hindi nagsumite ng SALN kumpara kay Sereno na anim na beses lamang.
182
