MULING ipinaalala ng pamunuan ng Manila North Cemetery ang ilang mahahalagang alituntunin na dapat sundin ng mga bibisita sa naturang sementeryo bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na Undas 2026.
Sa abisong inilabas ng pamunuan ng Manila North Cemetery, sa Oktubre 27, 2026 ang huling araw para sa paglilinis, pagkukumpuni at pagpipintura habang sa Oktubre 28, 2026 naman ang huling araw ng libing.
Mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2026, bukas ang Manila North Cemetery mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi, sa mga araw na ito ay hindi na papayagang pumasok ang anomang uri ng mga sasakyan sa sementeryo.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng baril at matatalim na bagay, mga nakalalasing na inumin, alagang hayop, gitara, malalakas na sound system at speaker.
Ipagbabawal din ang mga bagay na madaling magliyab tulad ng alcohol at thinner.
Maagang naglabas ng abiso ang pamunuan ng Manila North Cemetery para sa kaligtasan, kaayusan at kapakanan ng bawat pamilyang bibisita bilang paggunita sa Undas habang magbabalik ang regular na operasyon sa Nobyembre 3, 2026.
(JOCELYN DOMENDEN)
94 