PSBANK TIME DEPOSITS NI VP SARA WALA SA SALN — PROSEKUSYON

IGINIIT ng House prosecution panel na hindi idineklara ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang ilang time deposit na nakalista sa Philippine Savings Bank (PSBank).

Sinabi ito ni private prosecutor Mae Divinagracia habang nagsasagawa ng direct examination sa testigo ng prosekusyon na si AMLC Secretariat Executive Director Atty. Ronel Buenaventura sa Senate impeachment court.

Iniharap ni Buenaventura ang buod ng mga “covered” at “suspicious” financial transactions nina Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2007 hanggang 2025.

Hiniling ni Divinagracia kay Buenaventura na kumpirmahin ang ilang transaksyon ng Bise Presidente sa PSBank-Wilson Branch na isa-isa niyang binanggit.

Kabilang dito ang dalawang transaksyon noong Disyembre 26, 2018 na nagkakahalaga ng P1,945,265.88 at P1,981,263.25.

Ayon kay Buenaventura, ang una ay naka-rekord bilang “time deposit credit memo or placement,” habang ang ikalawa ay “time deposit credit memo or termination.”

Sinundan ito ng transaksyon noong Disyembre 28, 2020 sa parehong sangay na nagkakahalaga ng P2,005,340.22, na inilarawan ng AMLC official bilang “time deposit debit memo” at katumbas na halaga bilang “time deposit credit memo.”

Gayundin ang paglalarawan ni Buenaventura sa transaksyong P2,013,498.18 noong Disyembre 23, 2021, at sa P2,020,879.39 na time deposit na iniulat ng PSBank-Wilson noong Setyembre 22, 2022.

Sinabi ni Divinagracia na layon ng prosekusyon na patunayan, gamit ang mga SALN ni Duterte at iba pang dokumentong naiprisinta na sa impeachment court, na hindi idineklara ng Bise Presidente ang mga time deposit sa kanyang SALN para sa mga taong 2019, 2020, 2021 at 2022.

Tinutulan ito ng defense panel at tinawag na “improper” ang pahayag ng prosekusyon.

Gayunman, pinayagan ni Impeachment Court Presiding Officer Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero na manatili sa rekord ang pahayag ni Divinagracia.

(TINA MENDOZA)

72

Related posts

Leave a Comment