MAKABUBUTI BA ANG AI?

PARA maiwasan ang pag-abuso sa artificial intelligence o AI, kailangang mag-usap-usap at magtulungan ang mga sektor at industriyang gumagamit at gagamit pa nito, ayon sa mga ekspertong dumalo sa isang summit ng news site Rappler kamakailan.

Sa 2023 Social Good Summit (SGS), na ginanap nitong Setyembre 16 sa Samsung Hall sa Taguig City, pinag-usapan ng mga panelist kung paanong magiging bukas ang mga organisasyon at ang lipunan sa mga reporma at bagong idea sa larangan ng teknolohiya. Sa pamamagitan ng mga ito, anila, mababawasan, kung hindi man mapipigil, ang perwisyong maaaring idulot ng AI.

Ayon kay Erika Fille Legara, propesor ng data science sa Asian Institute of Management, pangunahing nag-uudlot ng digital transformation sa mga organisasyon ay ang pagiging sarado ng mga miyembro sa anumang pagbabago. Nakaugat ito sa kultura ng organisasyon at mga empleyado, aniya.

Makakatulong kung pag-uusapan sa loob ng organisasyon, at isasali ang lahat sa usapan, ang tungkol sa AI upang makuha ang suporta ng lahat, sabi ni Legara.

Makakabuti rin na sa paggamit ng AI hindi kalilimutan ng mga organisasyon kung ano misyon at layunin nila, sabi ni Rene Almendras, senior managing director ng Ayala Corporation. Kung ganito, nagkakaintindihan ang mga pinuno at empleyado ng organisasyon na gagamitin sa tama at mabuti ang teknolohiya.

Walang isang sektor na may hawak ng sagot kung paano gagamitin ang AI sa tamang paraan, sabi naman ni Alex Pama, na dating executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Kailangang mag-usap at magtulungan lahat para alamin kung ano-ano ang dapat baguhin, pagbutihin, i-develop sa mga kasalukuyang teknolohiya ng AI, at ipakita ang pinsalang naidudulot nito, dagdag ni Pama.

Hindi rin dapat basta-basta magpanukala ang pamahalaan ng mga regulasyon sa paggamit ng AI kung hindi pa nila lubos na nauunawaan ang teknolohiyang ito, ayon kay Julie Posetti, ang global director of research ng International Center for Journalists.

Lahat naman daw ng gobyerno ay may kagustuhang pangasiwaan ang information space, pero dapat gawin ito sa tamang paraan, aniya. Dagdag ni Posetti, hindi maaaring may isang nagbulong lang sa gobyerno na masama ang AI ay ipagbabawal na ito. Kailangan, sabi niya, na maintindihan kung paano babalansehin ang panganib at pangako na dulot ng AI.

1486

Related posts

Leave a Comment