NAGPASALAMAT ang Malakanyang sa publiko kasunod ng pagtaas ng trust at performance rating ni Ferdinand Marcos Jr. sa unang quarter ng 2026, batay sa non-commissioned survey ng OCTA Research na isinagawa noong Marso 19–25.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nagpapakita ito na nakikita ng publiko ang ginagawa ng pamahalaan.
“Magandang nakikita at nararamdaman ng ating mga kababayan kung ano ang ginagawa ng gobyerno para sa kanila,” ani Castro.
Gayunman, iginiit niya na patuloy na magtatrabaho ang Pangulo anuman ang maging resulta ng kanyang ratings.
Batay sa survey, umakyat sa 55% ang satisfaction rating ng Pangulo mula 51% noong huling bahagi ng 2025, habang tumaas din ang trust rating nito sa 54% mula 48%.
Pinakamataas ang satisfaction rating sa Balance Luzon (57%) at Visayas (56%), habang pinakamababa sa National Capital Region (53%) at Mindanao (51%).
Samantala, 26% ang hindi kuntento at 19% ang undecided, kung saan pinakamataas ang dissatisfaction rating sa Mindanao na 37%.
Sa hiwalay na datos, bumaba naman ang performance rating ni Vice President Sara Duterte sa 50% mula 54%.
Ayon kay House Deputy Speaker Jay Khonghun, ang pagtaas ng ratings ng Pangulo ay indikasyon ng lumalakas na kumpiyansa ng publiko sa kanyang pamumuno sa gitna ng mga hamon sa bansa.
(CHRISTIAN DALE)
53 