LIGTAS NA PAGBABALIK NI ZALDY CO, TINIYAK NG PALASYO

TINIYAK ng Malakanyang na magbibigay ang pamahalaan ng kinakailangang proteksyon sa puganteng si dating Ako Bicol Party-list representative Zaldy Co sa oras na maibalik ito sa bansa.

Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa pahayag ni Senador JV Ejercito na isang hamon sa gobyerno ang ligtas na pagpapauwi kay Co, kasabay ng babala na may mga grupong umano’y ayaw itong makabalik at tumestigo sa kontrobersiya.

Ayon kay Castro, kailangan munang patunayan kung may umiiral ngang banta sa buhay ni Co bago magbigay ng katiyakan.

“Bago po muna tayo magbigay ng assurance, definitely naman, lahat naman po ng Pilipino ay dapat safe na bumabalik sa Pilipinas – iyan naman po ang assurance ng pamahalaan. Pero dapat tingnan muna po natin kung saan nanggagaling ang sinasabing death threats,” ani Castro.

Dagdag pa niya, mahalagang matukoy kung may naitalang reklamo o ebidensya ng banta.

“So, dapat doon tayo mag-start—may death threats nga ba? Kasi how can you assure somebody na hindi ka mapapariwara pagbalik mo sa Pilipinas kung wala namang death threats,” aniya.

Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez na si Co ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Czech Republic matapos itong maaresto sa Prague dahil sa umano’y ilegal na pagpasok.

Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Czech authorities upang maisaayos ang pagbabalik ni Co sa Pilipinas.

Si Co, na dating chairman ng House Committee on Appropriations, ay nasasangkot sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects at idineklarang pugante matapos hindi humarap sa Sandiganbayan, na naglabas ng arrest warrant laban sa kanya noong Nobyembre 2025.

(CHRISTIAN DALE)

73

Related posts

Leave a Comment