TINUMBOK sa impeachment hearing sa Kamara ang umano’y “payola” sa Office of the Ombudsman matapos ihayag ng testigong si Ramil Madriaga na personal siyang nag-deliver ng pera para kina Ombudsman Samuel Martires at Assistant Special Prosecutor Ryan Rey Quilala.
Sa 24-pahinang sworn supplemental affidavit, idinetalye ni Madriaga ang serye ng lihim na delivery ng pera sa utos umano nina Vice President Sara Duterte at dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa testigo, karaniwang iniiwan ang bag ng pera sa trunk ng sasakyan sa parking area.
“Previously and upon direct instructions of PRRD or Sara, I have also delivered money to Ombudsman Samuel Martires or Atty. Ryan which I usually placed inside an open trunk of a designated car,” ayon sa affidavit.
Isinalaysay ni Madriaga na noong Disyembre 20, 2022, tatlong delivery ang isinagawa matapos siyang utusan umano ni Duterte na makipag-coordinate kay Col. Dennis Nolasco ng Vice-Presidential Security and Protection Group.
Mula sa Department of Education (DepEd) Central Office sa Pasig, apat na bag ng pera ang umano’y kinuha nila na tinayang naglalaman ng tig-P30 milyon hanggang P35 milyon bawat isa.
Dalawang bag ang dinala sa Laguna at Quezon City, kabilang ang isang delivery sa Nommu Basho sa Tomas Morato.
Inamin ni Madriaga na kumuha siya ng P1 milyon bilang bahagi umano ng kanyang share, na aniya’y nagpatunay na pera ang laman ng mga bag.
Iginiit din ng testigo na hindi 11 araw kundi mas mababa sa 24 oras umano nagastos ang P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022.
“This is wrong because I personally disposed the money in less than twenty-four (24) hours,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, ilang ulit pa umanong naulit ang ganitong operasyon, kabilang ang personal na pag-abot ng pera kay Quilala.
Iginiit din ni Madriaga na nagsisinungaling umano si Duterte sa pagtanggi sa anomang ugnayan sa kanya.
(TINA MENDOZA)
79 