HINDI pabor si Senador Joel Villanueva sa isinusulong na “mandatory GPS requirement” ng Department of Transportation (DOTr) sa jeepney drivers na sasama sa service contracting program.
Sinabi ni Villanueva na magiging pabigat at hindi makatwiran sa jeepney drivers ang bagong polisiya ng DOTr.
Ipinaalala ng senador na may “location services” sa mobile phones at malalaman ang eksaktong lokasyon nang wala nang dagdag na gastos ang driver.
Umapela ang senador sa DOTr na bawiin ang polisiya, na balak simulang ipatupad ngayong araw, April 15.
Ikinatwiran ng kagawaran na malalaman sa GPS device ang eksaktong lokasyon ng pampublikong sasakyan at ito ang basehan sa service contracting.
Babayaran ng P30 hanggang P100 kada kilometro ang mga kasama sa programa at hanggang 100 kilometro ang distansya ng pamamasada ng driver kada araw.
Uupahan sa halagang P500 kada buwan ang GPS device at sinabi ni Villanueva na maaaring umabot sa P18.5 milyon ang makokolekta ng contractor. (DANG SAMSON-GARCIA)
79 