HINDI dapat makuntento ang Department of Justice (DoJ) na nakumpiska lang ang shabu shipment mula sa Pakistan na nagkakahalaga ng halos tatlong bilyong piso at sa halip ay dapat tukuyin ang mga mastermind na nasa likod nito, ayon kay House Minority Leader Marcelino ‘Nonoy’ Libanan ng Eastern Samar.
Idinagdag pa ni Libanan na maging ang mga mastermind ng mga nakaraang drug smuggling ay kailangang habulin din ng DoJ dahil kung hindi ay hindi titigil ang mga sindikato sa pagpapalusot ng mga iligal na droga sa Pilipinas.
“We urge the DOJ to strengthen its pursuit of the real masterminds behind this recent drug smuggling operation, as well as all previous shabu consignments that have entered through the Port of Manila,”ani Libanan.
Nitong Enero 15, 2025 ay dumating ang ₱2.7-bilyong shabu shipment mula Karachi, Pakistan sa Port of Manila (PoM) na unang idineklara bilang vermicelli at custard powder.
Dahil sa impormasyon na nakuha ng mga lokal na awtoridad mula sa Pakistan, inalerto ang nasabing shipment at noong Enero 23 ay isinailalim ito sa physical inspection ng Bureau of Customs (BoC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Base sa report, 471 karton ng vermicelli, 169 naman ng custard power ang nilalaman ng container subalit may nakuha ding 58 kartons ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng ₱2.7 bilyon.
Sa Ngayon ay hindi pa nakikilala kung sino ang mga nasa likod ng drug smuggling na ito subalit naniniwala si Libanan na may mga malalaking tao na sangkot sa drug smuggling kaya hindi dapat itigil ng DoJ ang kanilang imbestigasyon hangga’t hindi matukoy at mahuli ang mga mastermind sa drug smuggling.
“The scale and complexity of these drug operations suggest that high-level individuals are orchestrating these illicit activities, profiting from the suffering of communities and posing a grave threat to public safety,” babala ng kinatawan ng Ika-Apat na Distrito ng Eastern Samar.
“These individuals must be identified, exposed, apprehended, and prosecuted to the fullest extent of the law,” dagdag pa ng kongresista sa kabila na may mga inaresto na ng mga awtoridad. (PRIMITIVO MAKILING)
