NAG-WALKOUT ang mga Iskolar ng Bayan mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas – Sta. Mesa matapos hindi kanselahin ng unibersidad ang klase kahapon sa paggunita sa ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power revolution. (ITOH SON)
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
IGINIIT ni Senador Risa Hontiveros na buhay na buhay pa ang mga problemang ipinaglaban noong 1986 EDSA People Power Revolution kaya’t nararapat lamang na ipagpatuloy ang laban.
Naganap ang pag-aalsa ng mga Pilipino noong panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr., ngunit ngayong administrasyon ng kanyang anak na si Ferdinand Jr. ay patuloy ang reklamo laban sa katiwalian at oligarkiya.
Ayon kay Hontiveros, patuloy pa rin ang katiwalian, cronyism at pamamayagpag ng oligarkiya sa lipunan.
Sinabi ng senador na naghihirap pa rin ang marami sa maliit na sweldo, mataas na presyo ng bilihin at kulang na pabahay.
Tinukoy pa ng mambabatas ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang kawalan ng hustisya at ng pagkakapantay-pantay.
Kasabay nito, pinapurihan din ng senadora ang grupo ng mga kabataan, guro at mga unibersidad na nanguna sa paggunita ng EDSA People Power Revolution kahit na walang deklarasyon ng Holiday.
Iginiit naman ni Senate Minority leader Aquilino Koko Pimentel III na kailangan pa ring ipagdiwang ang EDSA People Power dahil bahagi na ito ng ating kasaysayan.
Sabi ni Pimentel na dapat itong ipagmalaki dahil tumindig ang mga Pilipino upang ipaglaban ang mga prinsipyo ng demokrasya, good governance at people empowerment.
Patuloy Na Ipaglaban
Binigyang-diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang malaking responsibilidad na kaakibat ng kalayaan at demokrasya na natamo ng bansa matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986.
Sinabi ni CBCP-Episcopal Commission on Youth chairman at Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, ang kalayaang tinatamasa ng Pilipinas ngayon ay hindi lamang isang biyaya kundi isang hamon para sa bawat Pilipino na ipagpatuloy ang laban para sa demokrasya na ipinaglaban mahigit apat na dekada na ang nakalipas.
Pagbabahagi ng Obispo, ang paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay isang paalala para sa lahat na patuloy na protektahan at pahalagahan ang kalayaang tinatamasa ng bansa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kabutihan, pagkakapantay-pantay, at katarungang panlipunan.
Umaasa rin ang Arsobispo na hindi mananaig ang kawalan ng pakialam ng mamamayan sa mga nangyayari sa lipunan.
Marcos, Duterte
Sentro Ng Protesta
Hindi lamang sa pamilya Marcos sumentro ang protesta sa ika-39 anibersaryo ng ‘EDSA’ kundi ang pamilyang Duterte.
“Sa ika-39 na anibersaryo, nararapat lamang na singilin natin ang mga Marcos sa kanilang utang sa bayan, panagutin ang mga Duterte sa kanilang mga krimen, at ipaglaban ang hustisya para sa lahat ng biktima ng kanilang mga patakarang kontra-mamamayan,” ani House assistant minority leader Arlene Brosas.
Sinabi ng mambabatas na hindi titigil ang sambayanang Pilipino hanggang hindi ibinabalik ng pamilyang Marcos ang bilyon-bilyong piso na ninakaw umano ng mga ito sa mamamayan noong panahon ng diktadurang Marcos Sr.
Kailangan din aniyang panagutin ang mga Duterte sa libu-libong Pilipino na pinatay na walang kalaban-laban noong kasagsagan ng war on drugs at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng pamumuno ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod dito, hindi aniya dapat hayaan na hindi mapanagot si Vice President Sara Duterte sa paglustay sa kaban ng bayan na isa sa pangunahing dahilan kaya ipina-impeach ito ng 215 congressmen.
“Ang tunay na diwa ng EDSA ay hindi lamang pag-alala sa nakaraan, kundi ang patuloy na pakikibaka para sa tunay na demokrasya at katarungan,” paliwanag pa ng mambabatas kahapon.
Bukod dito, kailangan aniyang magkaisa na ang sambayanang Pilipino para mapatalsik sa kapangyarihan ang mga political dynasty dahil kung nagawa umano ito sa pamilyang Marcos noong 1986 ay pwede itong gawin lalo na sa darating na eleksyon para alisin at tapusin ang paghahari ng mga dinastiya sa bansa.
“Ang EDSA ay paalala na ang kapangyarihan ng mamamayan ay tunay at totoo. Ngayon ang panahon upang ibalik natin ang kapangyarihang ito at siguruhing mananaig ang prinsipyo ng demokrasya, katarungan, at mabuting pamamahala sa ating bansa,” ayon naman kay dating Congressman Satur Ocampo na isa sa mga biktima ng martial law. (DANG SAMSON-GARCIA/JOCELYN DOMENDEN/PRIMITIVO MAKILING)
