MAY NAGSASAMANTALA NGA BA SA REPATRIATION?

PATULOY pa rin ang pagdating ng mga mensahe sa akin mula sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na humihingi ng saklolo dahil sa kanilang ­matinding dinaranas sa kanilang mga employer.

Samu’t-saring problema pa rin ang pinagdaraanan ng ating mga kabayani at kalimitan dito ay ang hindi pagbibigay ng kanilang sweldo, ayaw sila palabasin ng bahay, hindi sapat na pagkain na dahilan ng kanilang panghihina, tapos na ang kontrata ngunit ayaw pa rin pauwiin ng employer at ng ahensiya.

Kabilang rito ang sumbong na natanggap ng AKOOFW mula kay OFW Marilou Apostol Rebor. Kasalukuyan siyang nasa Damman, Saudi Arabia ­simula pa noong Marso 2018.

Siya ay na-deploy sa nabanggit na bansa sa pamamagitan ng Sheeba International Manpower Services.

Ayon kay OFW Rebor, tapos na ang kaniyang kontrata ngunit ayaw pa rin siyang pauwiin ng kaniyang employer. Hindi rin daw siya pinapakain at malimit ay sinasaktan pa siya.

Malimit din daw siyang takutin. At kung siya ay magpipilit na umuwi ay mas matinding pananakit ang kaniyang daranasin.

Malimit daw siyang sinasabunutan ng kaniyang among babae at minsan nga siya pa ay itinulak sa hagdan at muntik nang mahulog. Dalawang buwan na rin siyang hindi pinapa-sweldo ng kaniyang employer.

Bukod sa kaniyang liham na ipinadala ay nagpadala rin siya ng maraming larawan kung saan ay kaniyang ipinapakita ang mga galos at pasa na kaniyang natamo sa tuwing siya ay sinasaktan ng kaniyang employer.

Ang AKOOFW ay nanawagan sa ating Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at sa Philippine Overseas Labor Office upang bigyan ng pansin ang karaingan o sumbong ni OFW Rebor.

Samantala, may bagong sumbong pa ang ipinarating sa akin ng ilang volunteer advocates mula sa Saudi Arabia. Ayon sa kanila, may bagong raket daw ang ilang mga tiwaling tauhan ng mga ahensiyang may kinalaman sa repatriation program.

Diumano ay sinisingil ng mga ito ng pambayad sa ticket ang mga OFW na uuwi, ngunit ang katotohanan ay ipinapasok lang din naman sila sa government funded na repatriation program ng pamahalaan.

Kung kaya hinihikayat ko ang mga OFW na ilegal na siningil ng mga tiwaling tauhan na magpadala ng kamilang salaysay at ilakip ang kanilang resibo na nakuha mula sa mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa kanilang repatriation. Hindi dapat palagpasin ang ganitong uri ng pagsasamantala.

Ngunit, ibig kong ipagpauna at linawin sa lahat na wala pa akong nababalitaan o natatanggap na sumbong na may kinalaman ang sinoman sa mga taga embahada o POLO lalo na sa OWWA sa mga sumbong na ito.

oOo

Kung mayroon kayong nais na idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address na saksi-ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

97

Related posts

Leave a Comment