MY POINT OF BREW Ni Jera Sison
HINDI bababa sa 20 bagyo ang dumadaan at nananalasa sa Pilipinas taon-taon. Ito ay ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA). Hindi ito bago sa ating mga Pilipino, hindi dapat ipagsawalang bahala na lamang ito. Dapat natin itong paghandaan.
***
Kaya naman tulad ng Meralco, naramdaman natin ang kanilang presensya noong nakaraang linggo. Ipinakita ng buong pamunuan at kawani ng Meralco ang pagiging handa nito sa matinding pag-ulan sa NCR, kasama na ang mga naapektuhang lalawigan dulot ng Bagyong Karding sa ilalim ng kanilang franchise area.
***
Bago pa man dumating ang bagyo, nililibot na ng mga crew ng Meralco ang mga pasilidad nito at nagsasagawa rin ng tree trimming activities upang siguraduhin na hindi maapektuhan ang mga linya. Sa tulong ng mga opisyal na social media account sa Twitter at Facebook, nagbigay rin ang Meralco ng paalala sa kanilang mga kostumer kung ano ang mga dapat paghandaan tuwing may paparating na bagyo.
***
Karaniwang tumataas ang bilang ng mga sumasangguni sa call center ng Meralco kapag may bagyo. Upang masiguro ang lahat ng tawag at mensahe ay masasagot at matatanggap, itinalaga ng Meralco ang buong pwersa ng Call Center Team nito. Pinalakas din ng Meralco ang kakayahan nito sa pagsagot ng tawag at mensahe na tumulong ang ibang kawani mula sa ibang departamento.
***
Ang mga natanggap na customer report ay ibinibigay sa magigiting na line crew ng kumpanya. Kahit sa gitna ng pag-ulan at pagsama ng panahon, agaran din inaayos ng mga crew ang mga nasirang pasilidad at naputol na linya ng kuryente bilang tugon sa mga report ng kostumer nito. Nakaantabay din ang kumpanya sa mga lugar na madalas binabaha kung saan maagap nitong pinapatay pansamantala ang serbisyo upang hindi maging mapanganib sa mga kostumer at maging sa mga crew nito.
***
Ang kahandaan ng Meralco ay nagbunga ng agarang panunumbalik ng serbisyo ng kuryente sa mga customer na naapektuhan ng bagyo. Sa loob ng 24 oras, naibaba kagad ng Meralco ang bilang ng mga apektadong kostumer sa 51,000 mula sa humigit kumulang na 1.2 milyong kostumer na nawalan ng kuryente sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Karding noong ika-25 ng Setyembre.
***
Malaking bagay ang mabuting paghahanda bago pa lamang sumapit ang panahon ng tag-ulan upang maiwasan din malagay sa panganib ang ating sarili, mga mahal sa buhay, at maging ang ating ari-arian.
