TESTIGONG WALANG DIREKTANG TESTIMONYA LABAN KAY VP SARA DUTERTE?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MULING naging sentro ng debate sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang pagharap ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang bilang saksi ng prosekusyon. Para kay Atty. Salvador Panelo, hindi nakatulong sa panig ng prosekusyon ang naturang presentasyon dahil wala namang direktang sinabi si Cabotaje-Tang na nag-uugnay kay VP Sara sa an omang paglabag. Ngunit mahalagang linawin na ayon mismo sa prosekusyon, ang papel ng dating mahistrado ay magbigay ng legal framework tungkol sa unexplained wealth, SALN, public accountability at prohibited business interests.

Sa unang tingin, tila mas naging isang lektyur sa batas ang testimonya kaysa isang paglalahad ng personal na ebidensiya laban sa bise presidente. Ipinaliwanag ni Cabotaje-Tang ang mga prinsipyo at batas na maaaring gamitin sa pagsusuri ng unexplained wealth at financial interests ng mga opisyal. Ngunit nang tanungin siya ng depensa, malinaw niyang sinabi na wala siyang personal na kaalaman kung nagkaroon nga ba si Vice President Sara Duterte ng unexplained wealth.

Dito pumasok ang mas matinding pagtatanong ni Atty. Mark Vinluan. Sinuri ng abogado hindi lamang ang legal expertise ng dating mahistrado kundi maging ang mga pangyayaring maaaring makaapekto sa perception sa kanyang pagiging saksi. Kabilang dito ang mga aplikasyon ni Cabotaje-Tang sa Supreme Court noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nang tanungin kung nadismaya siya sa hindi pagkakatalaga, itinanggi niya ito at sinabi niyang prerogative iyon ng Pangulo.

Hindi rin pinalampas ni Vinluan ang usapin tungkol sa kaugnayan ni Cabotaje-Tang kay House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno. Lumitaw sa cross-examination na ang subpoena para kay Cabotaje-Tang ay ipinadaan sa pamamagitan ng tanggapan ni Diokno. Ngunit sinabi ng dating mahistrado na wala silang personal na pagkakaibigan at, sa katunayan, naging magkalaban sila sa ilang Amparo cases noong nasa Court of Appeals pa.

Sinubukan din ng depensa na alamin kung may political affiliation si Cabotaje-Tang. Tinanong siya kung anti-Duterte siya at kung kabilang sa tinatawag na “Kakampink.” Pareho niya itong itinanggi at sinabi niyang hindi siya kailanman naging political at itinuturing niyang apolitical ang sarili. Mahalaga ito dahil ang mga tanong ay hindi lamang tungkol sa kanyang kaalaman sa batas kundi pati sa posibilidad ng anomang bias sa kanyang testimonya.

Lumitaw rin sa pagdinig na si Cabotaje-Tang ay naging Sandiganbayan justice noong 2013 at nagsilbing presiding justice hanggang 2024. Sa kanyang testimonya, ipinaliwanag niya ang mga legal restriction sa mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang pagbabawal sa Pangulo at Bise Presidente na direkta o hindi direktang makilahok sa negosyo habang nasa puwesto.

Ngunit ang pinakamahalagang tanong ay ito: Gaano kalaki ang ambag ng isang expert witness na walang personal na kaalaman sa mismong factual allegations laban sa respondent? Hindi naman itinago ni Cabotaje-Tang na hindi niya pinag-aralan nang buo ang facts at evidence ng impeachment case. Ayon sa kanya, ang kanyang testimony ay nakatuon sa tamang aplikasyon ng anti-corruption laws at mga naging ruling ng Supreme Court. Para sa depensa, dito maaaring maging mahalaga ang distinction sa pagitan ng legal framework at factual proof. Ang isang eksperto ay maaaring magpaliwanag kung ano ang sinasabi ng batas, ngunit ang pagpapaliwanag ng batas ay hindi awtomatikong patunay na nilabag ito ng isang partikular na opisyal. Kaya naman ang tunay na susunod na susuriin ng impeachment court ay kung maikakabit ng prosekusyon ang kanilang mga dokumento at financial evidence sa mga prinsipyong ipinaliwanag ng dating mahistrado.

Samantala, ginagamit naman ng ilang abogado ang naging testimonya bilang dahilan upang kuwestiyunin kung gaano kalakas ang ebidensiyang ihaharap ng prosekusyon sa Article II. Ngunit dapat ding tandaan na unang witness pa lamang si Cabotaje-Tang para sa naturang article at sinabi mismo ng prosekusyon na layunin niyang ilatag muna ang legal framework bago iharap ang financial at documentary evidence.

Sa huli, hindi lamang dapat itanong kung sino ang testigo, kundi kung ano ang konkretong ebidensiyang maihaharap pagkatapos ng testimonya nito. Kung ang susunod na mga dokumento at saksi ay direktang makapag-uugnay sa mga alegasyon ng unexplained wealth kay VP Sara Duterte, doon masusukat ang bigat ng Article II. Ngunit kung puro pangkalahatang prinsipyo lamang ang maririnig at walang sapat na factual evidence na mag-uugnay sa bise presidente, tiyak na lalo pang lalakas ang tanong kung bakit kailangan pang iharap ang naturang testigo. Sa isang impeachment trial, sa bandang huli, hindi dami ng testigo kundi kalidad, kaugnayan at kakayahang patunayan ang mga alegasyon ang kailangang pagtuunan ng pansin.

-oOo-

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

70

Related posts

Leave a Comment