3 ARESTADO SA RIOT SA TONDO

BINITBIT ng mga tauhan ng Manila Police District ang tatlong lalaki na umano’y sangkot sa nangyaring riot sa panulukan ng Jose Abad Santos Avenue at F. Yuseco St. sa Tondo, Manila, iniulat ng pulisya nitong Linggo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 155 ng RPC (alarms and scandal) at RO 864-C (concealing deadly weapon) ang mga suspek na sina Joshua Durango y Garcia, alyas “Tokwa,” 19, ng #1035 F. Yuseco St., Tondo; Peter Alfred Paz y Fuedan, alyas “Poga,” 23, ng #1100 Old Antipolo St., Tondo, at Erwin Barroga y Sanding, 40, ng #759 Int. 89, Raxabago St., Tondo.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang sumiklab ang riot sa naturang lugar.

Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang Tayuman PCP, sakop ng MPD Station 7, kaugnay sa nangyayaring riot sa lugar dahilan para magresponde sina P/Cpl. Adonis Comendador, Patrolman Melzar Tamondong at P/Cpl. Boy Pakipak.

Naabutan ng mga pulis ang rambol sa lugar ngunit kaagad nagtakbuhan ang mga kalalakihan nang makita ang mga pulis.

Gayunman, tatlo sa mga ito ang naaresto ng mga awtoridad. Nang kapkapan, nakita ang patalim sa baywang nina Durango at Paz.

Isinampa na ni P/SSgt. Rhett Nicdao ang kaso laban sa tatlong mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)

66

Related posts

Leave a Comment