3 MINORS, 4 PA KULONG SA DROGA

ARESTADO ang pitong hinihinalang drug personalities, kabilang ang tatlong menor de edad, sa mga awtoridad sa Caloocan City noong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Caloocan Police chief, Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-10:50 ng gabi, nagsasagawa ang mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-station 2 ng Oplan Galugad sa Raja Soliman St., Brgy. 37 nang isang concerned citizen ang nag-report hinggil sa umano’y nangyayaring transaksyon sa ilegal na droga sa lugar.

Agad nagresponde ang mga awtoridad at nakita ng mga pulis ang mga suspek na sina Albert Baluyot Lim Jr., 43, tricycle driver, at Denver Enriques Alano, 18, habang nagtatransaksyon umano sa ilegal na droga.

Ngunit nang mapansin ng dalawa ang mga parak ay mabilis na tumakbo ang mga ito.

Hinabol sila ng mga pulis at nang makorner ay nakumpiskahan ang mga suspek ng tig-isang plastic sachet ng shabu na tinatayang P1,360 ang halaga ng bawat isa.

Samantala, nakumpiskahan naman ng dalawang plastic sachet ng marijuana at drug paraphernalia si Jade Pendon, 18, ALS student, at ang 17-anyos na binatilyo makaraang takbuhan ng mga ito ang mga tauhan ng NPD-DMFB na nagsasagawa ng Oplan Sita sa EDSA-Bagong Barrio, Quarantine Control Point (QCP) sa Caloocan City, habang sakay ng isang motorsiklo dakong alas-12:45 ng madaling araw.

Nauna rito, alas-10:21 ng gabi nang arestuhin ng pinagsamang mga tauhan ng Sub-Station 5, NPD-DMFB at RDEU-NCRPO na nagsasagawa ng checkpoint sa EDSA corner F. Aguilar St., Brgy. 139 si Rodel Sebastian, 20, habang sakay ng tricycle kasama ang dalawang binatilyong kapwa 14-anyos ang edad, makaraang tangkaing tumakas ng mga ito nang hanapan ng lisensya at quarantine pass.

Nakumpiska sa mga ito ang dalawang medium plastic sachet ng marijuana with fruiting tops na tinatayang P3,770 ang halaga, at isang improvised glass tube pipe. (FRANCIS SORIANO)

53

Related posts

Leave a Comment