43 LABOR LEADERS NAPATAY

PUMAYAG si Labor Secretary Sylvestre Bello III na makipagpulong sa mga lider-manggagawa upang talakayin ang hinggil sa pagkamatay ng 43 pinuno ng mga unyon, gayundin ang karapatan ng mga ito na magtayo ng unyon at sa nangyayaring paglabag sa karapatang pantao.

Sa Miyerkoles (Pebrero 3) ay makikipag-usap ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga namumuno ng Council of Global Unions (CGU) – Pilipinas.

Ayon sa tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition na si Atty. Jose Sonny Matula, matagal nang ipinarating ng NAGKAISA kay Bello ang hinggil sa 43 lider ng mga unyon na pinaslang sa kasalukuyang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bilang pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW) na kasapi ng NAGKAISA, idiniin ni Matula na gusto ng mga manggagawa mula sa CGU – Pilipinas, na gumawa ng mapagpasyang aksyon si Bello upang mabigyan ng katarungan ang pagpaslang sa mga lider-manggagawa.

Bukod sa nasabing pamamaslang, mahalaga ring isyu ang pagbabawal sa mga manggagawa na magtayo ng kani-kanilang unyon sa pinapasukan nilang mga kumpanya, ang talamak na paglapastangan sa mga karapatang pantao ng mamamayang Filipino at pagtaas ng sahod ng mga obrero.

Kamakailan, nanawagan ang FFW, Partido Manggagawa (PM) at iba pang organisasyon, sa mga senador at kongresista na kumilos upang itaas ang sahod ng mga manggagawa ngayon panahong nahaharap ang bansa sa matinding suliranin sa ekonomiya.

Umaasa si Matula na mayroong ‘makabuluhang resulta’ ang diyalogo sa pagitan ng mga pinuno ng CGU – Pilipinas at ng pamunuan ng DOLE, partikular na si Bello. (NELSON S. BADILLA)

52

Related posts

Leave a Comment