8 ERICSSON TELECOMS PH EXECS INIREKLAMO NG SUBCOM

INIREKLAMO ang walong opisyales ng Ericsson Telecommunications Ph ng isang Pinoy na kontratistang pinasahan ng kontrata kaugnay ng mga proyektong nasungkit mula sa Smart Telecommunications ngunit hindi umano nila binayaran.

Sa 34-pahinang dokumentong nakalap mula sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ), sinampahan ng kasong estafa ang walong opisyales – kabilang ang limang Pilipinong nagtatrabaho sa sangay ng nasabing kumpanya sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Nag-ugat ang paghahain ng kasong kriminal matapos tumanggi ang Ericsson Telecommunications Ph na bayaran ang isang maliit na lokal na kumpanyang kinuhang subcon para sa “system integration, structured cabling, civil works, electrical services” sa mga sikat na malls, pribadong ospital, malalaking kumpanya at pribadong paaralan kung saan nakasungkit ang dayuhang kumpanya ng malaking kontrata.

Batay sa reklamo ng kumpanyang pag-aari ng isang Pinoy, hindi umano siya binayaran para sa mga natapos na proyekto mula taong 2020 hanggang 2023 sa kabila pa ng kontrata.

Ang katumbas na singilin – tumataginting na P54 milyon.

“Respondents are clearly guilty of estafa by means of deceit under the Revised Penal Code Article 315 which says – any person who shall defraud another by any of the means of false pretenses or fraudulent acts executed prior to, or simultaneously with the commission of fraud… using fictitious names, or falsely pretending to possess power, influence, qualifications, property, credit, agency, business or imaginary transactions, or by means of other similar deceits,” saad sa isang bahagi ng reklamo.

Samantala, nanawagan naman ang iba’t ibang grupong binubuo ng maliliit na kontratista kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan proteksyon ang mga Pilipino laban sa mga kumpanyang nagpapanggap na investor.

“Napapanahon nang tuldukan ang pagpasok ng mga dayung kumpanya sa Pilipinas para kumuha ng malalaking kontrata… tapos ipagagawa sa mga Pilipino, tapos pag natapos hindi naman nila binabayaran. Niloloko tayo sa loob mismo ng ating sariling teritoryo!” ayon pa sa grupo.

169

Related posts

Leave a Comment