BABY DINUKOT SA OSPITAL SA BINANGONAN

RIZAL – Isang kasisilang pa lamang na sanggol ang dinukot ng isang babaeng nagpanggap na nurse sa Margarito Duavit Hospital sa bayan ng Binangonan sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Ayon sa report ng Binangonan police, dakong alas-1:30 ng hapon,

pumasok ang suspek na nakasuot ng uniform ng nurse, sa kuwarto ng mag-ina at nagpakilalang nurse ng ospital.

Sinabi nito sa bantay na si Joana Marie Jobillano, lola ng sanggol, na kailangang dalhin ang bata sa laboratory para sa newborn screening.

Habang naglalakad ang dalawa sa hallway, sinabi ng suspek na bumalik muna sa kuwarto ang lola para mag-fill up ng form ang ina ng sanggol.

Kinuha ng suspek ang sanggol at sinabihan ang lola na sumunod na lamang sa laboratory.

Nang matapos ang pagpi-fill up ng form ng ina ng sanggol, nagtungo ang lola sa laboratory subalit laking-gulat nito nang sabihin na wala namang dinadala doon na sanggol.

Agad itong humingi ng tulong sa mga staff at security guard ng ospital.

Nang rebyuhin ang CCTV, nakita ang suspek na nakasuot na ng itim na jacket at karga ang sanggol.

Sumakay ito sa isang naghihintay na walang plakang tricycle at pinatakbo ng magmamaneho patungo sa direksyon ng Binangonan town proper.

Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para matukoy kung sino ang suspek at para agad madakip ito.

(NILOU DEL CARMEN)

133

Related posts

Leave a Comment