BINATILYO, AGAW BUHAY SA PANANAKSAK

(Ni CHE ALMADIN)

Nakikipaglaban sa kasalukuyan kay Kamatayan ang isang 18 anyos na binatilyo matapos na walang habas na saksakin ng isang lalaking nadaanan lang nila sa paglalakad sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Caloocan City Police, ganap umanong alas 5:00 pasado ng madaling araw nang ma-ganap ang insidente sa kahabaan ng Samson Road, Barangay 80 ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong naglalakad ang biktimang si John Rey Reyes, 18 anyos, grade 7, estudyante ng Alternative Learning System (ALS) at residente ng PNR Compound, Samson Road, Barangay 73 ng parehong lungsod kasama ang kanyang mga kamag-aaral nang bigla na lamang umanong sumulpot sa kanilang likuran ang suspek na si Jacinto Magsara Alyas Manny Sinto ng parehong lugar at walang ano -anong saksakin siya sa kaliwang bahagi ng kanyang likuran.

Bagamat may tama na ay mabilis namang tumakbo ang biktima kasama pa rin ang mga kaklase palayo sa suspek ngunit hinabol pa rin siya nito hanggang sa manawa na rin sa pagikot-ikot ng biktima saka pa lamang siya tinantanan.

Doon pa lang siya naisugod ng mga kasama niya sa Caloocan City Medical Center na ngayon ay nasa kritikal pa ring kundisyon at inoobserbahan pa ang kalagayan.

Agad din namang tumakas ang suspek patungo sa hindi na nalaman pang direksiyon na ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng pulisya, napagalaman naman sa ibang mga nakakakilala sa suspek na may deperensiya umano sa pagiisip ito kaya’t tinawag na Many Sinto.

7

Related posts

Leave a Comment