BUS TERMINAL SA EDSA HANGGANG HUNYO NA LANG

bs terminal

(NI ROSE PULGAR)

BILANG na ang araw ng mga bus terminal sa EDSA dahil sa napipintong pagkakansela ng kanilang mga business permits

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang resolusyon na nagbabawal na isyuhan ng business permits ang lahat ng public utility bus terminals at operators at iba pang pampublikong sasakyan na nasa kahabaan ng EDSA.

Sinabi ni MMDA Chair Danilo Lim, ang inaprubahang regulasyon ay ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang lahat ng bus terminals sa EDSA.

“Ang target natin ay tanggalin ang lahat ng bus terminals sa EDSA at i-relocate sila sa labas ng Metro Manila para mabawasan ang bigat ng daloy ng trapiko,” ani Lim.

Dagdag pa niya, mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan para sa pag-aalis ng mga  terminals dahil sila ang nagbibigay sa mga ito ng business permits na kailangan para makapag-operate ang isang business establishment.

Aniya, irerekomenda ng MMDA ang pagsasara ng bus terminals sa Abril sa koordinasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Base sa resolusyon, malaki ang epekto sa trapiko ng paglalabas-masok ng mga pampasaherong bus at iba pang pampublikong sasakyan sa kani-kanilang terminals sa EDSA sa  araw-araw ay nararanasan ng mga motorista at mga pasahero.

Nakatakdang lagdaan ng mga alkalde ng Metro Manila, ang siyang bumubuo sa MMC, ang resolusyon, ang MMC ay ang policy-making at governing body ng MMDA.

“Magsasagawa tayo ng dry run pagkatapos ng Semana Santa sa Abril para makapaghanda ang mga operators at mga pasahero,” paliwanag naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia.

Sa kasalukuyan ay itinatayo ang ilang terminals para sa mga provincial bus na mula sa hilaga at timog ng Metro Manila, kabilang ang isang terminal sa Valenzuela City at sa Sta. Rosa, Laguna.

“Umaasa kaming sa Hunyo ay maipapasara na ang lahat ng bus terminals sa Metro Manila,” ani Garcia. Ipinunto rin ng opisyal na aayos ang daloy ng trapiko sa EDSA oras na maipasara ang mga bus terminals dahil sa hindi na papayagang makapasok ng Metro Manila ang mga provincial buses.

200

Related posts

Leave a Comment