CCG DEPLOYMENT SA PANATAG SHOAL, OVERKILL – PCG

INILARAWAN ng Philippine Coast Guard (PCG) na “overkill” ang deployment ng China ng ilang China Coast Guard (CCG) at Chinese maritime militia vessels sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal) sa panahon ng civilian mission ng “Atin Ito”.

Nasa 10 CCG vessels, 10 Chinese maritime militia ships at isang People’s Liberation Army (PLA) vessel ang namataan sa bisinidad ng Panatag Shoal ng mga awtoridad ng Pilipinas sa kanilang maritime domain awareness flight, sinabi ni Commodore Jay tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea.

Ayon kay Tarriela, ito ang pinakamalaking bilang na naobserbahan ng PCG, simula nang kanilang pagbabantay sa Panatag Shoal at binanggit na ito ay isang civilian mission lamang na ikinabahala ng China.

“Most likely it was an overkill on the part of the Chinese Coast Guard to deploy such large number of China Coast Guard because they themselves believe in their own lies…this is the highest so far in Bajo de Masinloc – 10 China Coast Guard vessels”.

Sinabi rin ni Tarriela na maging ang deployment ng Chinese ships na lumapas sa 50 nautical miles mula sa Scarborough Shoal ay “hindi normal”.

Sa pagitan ng Miyerkoles ng gabi at Huwebes, hindi bababa saa dalawang barko ng Chinese Coast Guard na may bow number na 4108 at 4203, ang sumusunod sa BRP Bagacay, na nagbunsod ng radio challenges. Ang barko ng PCG ay nag-escort sa “Atin Ito!” mission.

Ang CCG vessels ay nagpatrolya sa 50 nautical miles mula sa Scarborough Shoal, ngunit sinabi ni Tarriela na hindi ito nangangahulugan na lumawak ang kanilang saklaw. (JOCELYN DOMENDEN)

51

Related posts

Leave a Comment