DAHILAN SA PI SIGNATURE WITHDRAWAL, OPSYUNAL – COMELEC

NILINAW ng Commission on Elections na opsyonal ang pagbibigay ng dahilan o rason para sa pagbawi ng lagda sa People’s Initiative withdrawal form.

Ayon sa Comelec, ang forms ay tatanggapin pa rin kahit magbigay o hindi ng rason ng kanilang withdrawal.

Ginawa ni Comelec Chairman George Garcia ang paglilinaw matapos kwestyunin ng mga senador ang nasabing bahagi ng form at sinabing ito ay magiging kumplikadong proseso lamang at pahirap sa signatories.

Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi na dapat hingian pa ng paliwanag ang ating mga kababayan na nais bawiin ang kanilang pirma dahil karapatan nila ito.

Sinabi ni Senador Nancy Binay, ang withdrawal forms ng Comelec ay nangangahulugan na ang mga talakayan ng Senado sa people’s initiative ay produktibo.

Habang iginiit ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, wala nang nakikitang dahilan kung bakit ipagpatuloy pa ang imbestigasyon dahil suspendido na ang pag-uusapan kaugnay sa lahat ng initiatives na konektado sa PI.

Nanawagan naman si Senator Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, na ipagpatuloy ang talakayan at imbestigasyon ang mga taong sangkot sa paggamit ng kaban ng bayan para sa people’s initiative.

“Kailangan may managot. Sino ba ang pasimuno rito? Kung sinasabi may ginagamit na pondo ng pamahalaan, siyempre may accountability ‘yan,” saad ng senadora.

Nitong linggo, wala pa ring isinumiteng withdrawal form.

Ang grupong BAYAN ay gumawa rin ng sarili nilang bersyon ng withdrawal form ngunit hinikayat ng Comelec ang publiko na gamitin ang kanilang bersyon dahil hindi ito nangangailangan ng notarization.

(JOCELYN DOMENDEN)

30

Related posts

Leave a Comment