PINSALA NG EL NIÑO UMAKYAT SA P151-M

UMAKYAT na sa mahigit P151.3 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa nararanasang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa, ayon sa Task Force El Niño.

Ayon sa ulat Task Force El Niño, ang Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang pinakaapektado sa kasalukuyan kung saan nasa 4,000 mga magsasaka ang uminda sa labis na tagtuyot.

Batay sa datos ng Department of Agriculture, humigit-kumulang 93% ng pinsala ay sa bigas habang ang natitirang 6% ay sa mais.

Para matulungan naman ang mga magsasakang apektado ang kabuhayan dahil sa naturang weather phenomenon, direktang makatatanggap ng tulong mula sa DA at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 4,000 magsasaka.

Ipinaliwanag din niya ang ilang alternatibong paraan sa pagsasaka para patuloy pa rin silang makapagtanim ng palay gaya ng alternate wetting at drying. Bibigyan din ang mga ito ng alternatibong kabuhayan na maaari nilang pagkakitaan gaya ng pagbibigay ng domestic animals at livestocks.

Bukod sa direktang interbensyon, inaayos din ng pamahalaan ang mga irigasyon system para sa mga irrigatable farmland para matulungan ang mga magsasaka.

Samantala, bumaba sa 41 mula 50 ang bilang ng mga lalawigang apektado ng El Niño phenomenon, ayon sa state weather bureau.

Patuloy na nararanasan ang tagtuyot sa Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Palawan, at Pangasinan.

Tinitiyak naman ni Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro Jr. kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na epektibong kumikilos ang Task Force El Niño katuwang ang local disaster risk reduction and management councils (DRRMCs) para mabawasan ang epekto ng weather phenomenon lalo na sa kabuhayan.

Sa ginanap na task force meeting na pinamunuan nina Secretary Teodoro sa Camp Aguinaldo, kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Marlo L. Iringan, inalerto ang mga director ng DRRMCs at LGUs kaugnay sa gagawing mga hakbang para makatugon sa epektong dulot ng El Niño.

“Our local chief executives and DRRMCs are in the best position to determine the needs of their communities during crisis and emergencies,” ani Secretary Teodoro. “Effectively addressing the effects of El Niño across the country surely requires all hands on deck.”

“As in any disaster or calamity, the provincial, city, municipal and barangay-level DRRMCs should take the lead and get involved,” ani Secretary Teodoro kay Undersecretary Iringan.

(JESSE KABEL RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment