DSWD PINAKIKILOS VS KATUTUBONG NAMAMALIMOS

(NI NOEL ABUEL)

NANAWAGAN si Senator Imee Marcos sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, partikular ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na tulungan ang mga katutubo na inaasahang dadagsa sa iba’t ibang lugar ng Kamaynilaan para manghingi ng limos ngayon panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay Marcos, inaasahan nang daragsa sa mga lansangan ng Metro Manila ang mga katutubong Aeta at Badjao kabilang na ang kani-kanilang mga pamilya para manghingi sa mga drayber, pasahero lalo na sa mga may-ari ng pribadong sasakyan na inaasahang malaki ang ibibigay na limos.

“Nakakaawa naman ang mga Aeta at Badjao! Taun-taon na lang ganito ang nakikita natin kapag pumapasok ang “ber” months. Nasa gitna sila ng mga kalye, nagmamakaawa para lang bigyan sila ng limos.  Dapat kumikilos dito ang DSWD,” pahayag ni Marcos.

Idinagdag pa nito na kung meron mang aksyong ginagawa ang pamahalaan lalo ang DSWD, maituturing itong hindi matagumpay dahil na rin sa paulit-ulit na nangyayaring pagdating ng mga katutubo sa Metro Manila  kapag dumarating ang Chirstmas season.

“Dapat mabigyan ng permanenteng solusyon ang pagdagsa ng mga katutubo sa Kamaynilaan kapag dumarating ang Chirstmas season. Mukhang ‘band aid solution’ ang ginagawa ng DSWD dahil magugulat ka na lang na naririyan na naman ang mga Aeta at Badjao sa mga lansangan,” paliwanag ni Marcos.

Ayon pa sa senador, kailangang gawin ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar kung saan naroroon ang mga katutubong Aeta at Badjao ay tunay na tulong at suporta para tuluyang magkaroon ang mga ito ng permanenteng ikabubuhay ng kani-kanilang mga pamilya.

“Kahirapan ang nagtutulak sa kanilang para mamalimos sa Metro Manila.  Hindi nila gagawin ang manghingi kung meron silang maayos na kabuhayan sa kani-kanilang probinsya,” aniya pa.

Idinagdag pa ni Marcos na kailangang magtulong-tulong ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang Senado para matulungan ang mga katutubong Aeta at Badjao na halos taun-taong namamalimos sa Kamaynilaan kapag dumarating ang Kapaskuhan.

 

268

Related posts

Leave a Comment