(NI KEVIN COLLANTES)
KAHIT Mahal na Araw ay tuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga tauhan ng Manila Electric Company (Meralco) ng kanilang maintenance works.
Dahil dito, sinabi ng Meralco na asahan na ang pagpapatupad nilang muli ng rotational brownout sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit nitong lalawigan kahit ngayong Mahal na Araw, mula Martes Santo, Abril 16, hanggang sa Sabado de Gloria, Abril 20.
Batay sa paabiso ng Meralco, sa kanilang Facebook account, nabatid na kabilang sa mga lugar na maaapektuhan ng rotational brownout ay ang Laguna, dahil sa pag-upgrade ng mga pasilidad ng Meralco sa San Francisco Road, sa Barangay San Francisco sa Biñan City, habang may line maintenance works naman sa Barangay Muzon sa Taytay, Rizal, kaya’t apektado rin ng rotational brownout ang Taytay at Angono, sa Abril 16 at 17.
May line reconductoring works naman sa Agutaya Street sa Barangay Pinagkaisahan, sa Makati City sa Abril 17, habang apektado rin ang ang Tanza, Cavite ay apektado rin ng rotational brownout dahil sa maintenance works naman sa loob ng Meralco – Tanza substation sa Abril 18.
Ang Hagonoy, Malolos City, Plaridel at Paombong sa Bulacan, ay mayroong maintenance at testing works sa loob ng Meralco – Calumpit substation, mula Abril 19 hanggang 20.
Una nang sinabi ng Meralco na layunin nang pagdaraos nila ng maintenance works na mapaghusay ang kanilang serbisyo sa kanilang mga kostumer.
Nilinaw naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na wala silang rotational brownout ngayong Holy Week, na ang magiging dahilan ay ang pagnipis ng suplay ng kuryente kundi mga trabaho lamang para mapabuti ang serbisyo ng Meralco.
Ayon kay Zaldarriaga, wala rin silang nakikitang problema sa suplay ng kuryente para sa Holy Week kaya’t inaasahan nang walang magaganap na pagkawala ng kuryente sa mga nasabing araw.
Aniya pa, inaasahan nilang tulad noong mga nakalipas na Mahal na Araw ay bababa rin ang demand sa suplay ng kuryente ngayong linggong ito dahil nagsiuwian na sa mga lalawigan ang publiko.
289