MARAMING ‘CHINESE STUDENTS’ NAG-ENROL PERO ‘DI NAG-ARAL

MARAMING Chinese nationals na binigyan ng student visa ang nag-eenroll lang subalit hindi pumapasok sa eskwelahan.

Ito ang nakarating na impormasyon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kaya pursigido itong amyendahan o ibasura ang Executive Order (EO) 285 ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

“Narakating sa amin ang information na iyan na nag-eenroll tapos hindi pumapasok (sa school),” ayon sa mambabatas.

Bukod dito, nakatanggap din umano ng impormasyon si Barbers na pami-pamilya ang pumapasok sa bansa bilang mga turista at kapag malapit nang mapaso ang kanilang visa ay saka mag-aapply ng student visa ang mga ito.

Matapos nito ay mag-eenroll umano ang buong pamilya sa isang eskuwelahan subalit hindi naman pumapapasok para mag-aral. Ang masaklap, hindi ito binibigyan pansin ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Ayon sa mambabatas, pabor sa bansa ang pagdami ng mga turista at mga negosyante kaya iniimbitahan ang mga ito na pumunta sa Pilipinas dahil nakatutulong sa paglago ng ekonomiya.

“Pero kung tayo po ay papasukin ng dagsa-dagsang mga turista na hindi natin maintindihan bakit biglang nagkainteres mag-aral sa atin samantalang yung kanilang dokumento pagpasok turista lamang and suddenly they change their mind naging estudyante so medyo nakakaalarma,” paliwanag pa ni Barbers.

Mas nakakabahala aniya na kung saan may Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) tulad ng Cagayan ay siyang pinipili ng mga Chinese national na mag-aral.

Hindi rin isinasantabi ni Barbers na may korupsyon sa pagbibigay ng mahigit 16,000 student visa sa mga Chinese na unang pumasok sa bansa bilang turista. (BERNARD TAGUINOD)

28

Related posts

Leave a Comment